Noong panahong iyon, may isang lalaking lumapit kay Hesus at nagtanong, "Guro, ano pong kabutihan ang kailangan kong gawin upang magkamit ng buhay na walang hanggan?" Sumagot si Jesus, "Bakit mo ako tinatanong kung ano ang mabuti? Iisa lamang ang mabuti. Kung ibig mong magkamit ng buhay, sundin mo ang mga utos."
"Alin-alin po?" tanong niya. Sumagot si Jesus, "Huwag kang papatay; huwag kang mangangalunya; huwag kang magnanakaw; huwag kang magsisinungaling sa iyong pagsaksi; igalang mo ang iyong ama at ina; at ibigin mo ang iyong kapwa, gaya nang pag-ibig mo sa iyong sarili."
Sinabi ng binata, "Tinutupad ko na pong lahat iyan. Ano pa po ang dapat kong gawin?" "Kung ibig mong maging ganap, humayo ka, ipagbili mo ang iyong ari-arian at ipamahagi sa mga dukha ang pinagbilhan. Kapag ginawa mo iyan, magkakaroon ka ng kayamanan sa langit.
Pagkatapos, bumalik ka at sumunod sa akin." sagot ni Jesus. Pagkarinig nito, malungkot na umalis ang binata, sapagkat siya'y napakayaman.
+ + + + + + +
Repleksyon:
Handa ka bang isuko ang lahat upang sumunod kay Jesus?
Kay lapit na, ngunit kay layo pa rin—ito marahil ang sinapit ng binatang lumapit kay Jesus upang itanong kung ano ang dapat niyang gawin upang magmana ng buhay na walang hanggan. Sinunod na niya ang mga utos ng Diyos nang tapat, subalit nang sabihin sa kanya ni Jesus na ipagbili ang lahat ng kanyang ari-arian, ipamigay sa mga dukha, at saka sumunod sa Kanya—nabagabag ang kanyang puso. Siya ay tahimik na lumayo, sapagkat hindi niya kayang bitiwan ang kanyang maraming kayamanan.
Ang binatang ito ay larawan ng marami sa atin ngayon. Nais nating sundan ang Panginoon nang buo ang puso, ngunit hirap tayong pakawalan ang mga bagay ng sanlibutan. Bulong ng yaman, kaginhawaan, at kasiguruhan: “hawakan mo ako,” ngunit paanyaya ni Jesus: “ Sumunod ka.” Ano ba ang nasa kayamanan na tila’t alipin tayo nito? Hindi natin ito madadala sa ating libingan. Hindi natin ito mahahawakan kapag tayo’y tumanda at nanghina, sapagkat ito’y mapupunta rin sa iba—o baka tuluyang mawala.
Nauunawaan ito ni San Francisco ng Assisi. Siya ay isinilang sa mayamang angkan, ngunit kanyang isinuko ang lahat upang buong-pusong tumugon sa tawag ng Diyos. Ang kanyang radikal na pagsuko ay nagpapaalala sa atin na ang tunay na kagalakan at kalayaan ay hindi galing sa pagkakaroon ng marami, kundi sa pagbibigay ng marami.
Ang kalooban din ng Diyos para sa atin ay ang ibahagi ang ating mga biyaya upang ang iba ay magkaroon ng buhay at pag-asa. Totoo, mahirap itong gawin—dahil nangangailangan ito ng pagbabagong-loob, pagbabago ng pamumuhay, at pagkiling hindi sa sarili kundi kay Kristo.
Subalit hindi lahat ay tinatawag na iwan ang lahat gaya ni San Francisco. Marami sa atin ang may pamilyang binubuhay, mga anak na inaalagaan, at mga tungkuling ginagampanan. Ngunit hindi ibig sabihin nito ay hindi na tayo magbibigay.
Ang halaga ay hindi nakasalalay sa laki ng ating naibibigay, kundi sa pagmamahal na pinagmumulan nito. Ang maliit na handog, kung ito ay nagmumula sa pusong may pananampalataya, ay nagiging isang dakilang kayamanan sa paningin ng Diyos.
Ang pagsunod kay Jesus ay laging may kapalit. Ang paglakad sa Kanyang mga yapak ay nangangahulugang pakakawalan natin ang mga bagay na mahigpit nating hinahawakan—maaaring ito ay kayamanan, kayabangan, ambisyon, o kahit ang ating mga takot. Ngunit kapag tayo’y bumitaw, nagbibigay daan tayo para punuin Niya tayo ng higit na dakilang bagay: ang Kanyang pag-ibig, Kanyang kapayapaan, at Kanyang buhay na walang hanggan.
Ikaw ba ay gaya ng binata sa Mabuting Balita ngayon, na lumayo nang malungkot sapagkat siya’y maraming tinatanganang ari-arian? O gaya ka ba ni San Francisco ng Assisi, na isinuko ang lahat upang buong puso’y tumugon sa tawag ng Panginoon?
Nawa’y pagkalooban tayo ng Espiritu Santo ng lakas ng loob upang bitawan ang mga bagay na panandalian lamang, upang tayo’y makakapit sa kayamanang kailanman ay hindi kumukupas—si Jesucristo mismo. — Marino J. Dasmarinas

No comments:
Post a Comment