Friday, August 29, 2025

Ang Mabuting Balita at Repleksyon sa Agosto 30 Sabado sa Ika-21 Linggo ng Karaniwang Panahon: Mateo 25:14-30


Mabuting Balita: Mateo 25:14-30
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad ang talinghagang ito: “Ang paghahari ng Diyos ay maitutulad dito: May isang taong maglalakbay, kaya tinawag niya ang kanyang mga alipin at ipinagkatiwala sa kanila ang kanyang ari-arian. Binigyan niya ng salapi ang bawat isa ayon sa kanya-kanyang kakayahan: binigyan niya ang isa ng limang libong piso, ang isa nama’y dalawang libong piso, at ang isa pa’y isang libong piso.   

Pagkatapos, siya’y umalis. Humayo agad ang tumanggap ng limang libong piso at ipinangalakal iyon. At nagtubo siya ng limang libong piso. Gayun din naman, ang tumanggap ng dalawang libong piso ay nagtubo ng dalawang libong piso. Ngunit ang tumanggap ng isang libong piso ay humukay sa lupa at itinago ang salapi ng kanyang panginoon.  

Pagkaraan ng mahabang panahon, bumalik ang panginoon ng mga aliping iyon at pinapagsulit sila. Lumapit ang tumanggap ng limang libo. Wika niya, ‘Panginoon, heto po ang limang libo na bigay ninyo sa akin. Heto pa po ang limang libo na tinubo ko.’ Sinabi sa kanya ng panginoon, ‘Magaling! Tapat at mabuting alipin! Yamang naging tapat ka sa kaunting halaga, pamamahalain kita sa malaking halaga. Makihati ka sa aking kagalakan!’   

Lumapit din ang tumanggap ng dalawang libo, at ang sabi, ‘Panginoon, heto po ang ibinigay ninyong dalawang libo. Heto naman po ang dalawang libong piso na tinubo ko.’ Sinabi ng kanyang panginoon, ‘Magaling! Tapat at mabuting alipin! Naging tapat ka sa kaunting halaga, kaya pamamahalain kita sa malaking halaga. Makihati ka sa aking kagalakan.’   

At lumapit naman ang tumanggap ng isang libong piso. ‘Alam ko pong kayo’y mahigpit,’ aniya. ‘Gumagapas kayo sa hindi ninyo tinamnan, at nag-aani sa hindi ninyo hinasikan. Natakot po ako, kaya’t ibinaon ko sa lupa ang inyong salapi. Heto na po ang isang libo ninyo.’ ‘Masama at tamad na alipin!’ tugon ng kanyang panginoon. ‘Alam mo palang gumagapas ako sa hindi ko tinamnan at nag-aani sa hindi ko hinasikan!   

Bakit hindi mo iyan inilagak sa bangko, di sana’y may nakuha akong tubo ngayon? Kunin ninyo sa kanya ang isang libong piso at ibigay sa may sampung libo. Sapagkat ang mayroon ay bibigyan pa, at mananagana; ngunit ang wala, kahit ang kakaunting nasa kanya ay kukunin pa. Itapon ninyo sa kadiliman sa labas ang aliping walang kabuluhan. Doo’y tatangis siya at magngangalit ang kanyang ngipin.’”

+ + + + + + +

Repleksyon:

Alam mo ba na may kaloob na talino sa iyo ang Panginoon—mga kaloob na dapat mong gamitin para sa Kanyang kaluwalhatian at upang maisulong ang Kanyang kaharian dito sa mundo? Ang bawat isa sa atin ay pinagpala ng ibat-ibang talino. Ito ay hindi lamang para sa ating sarili, kundi upang sa pamamagitan natin ay maranasan ng iba ang kabutihan at pag-ibig ng Diyos. 

Sa Mabuting Balita, may kuwento patungkol sa tatlong alipin na pinagkatiwalaan ng kanilang Panginoon ng mga salapi bago Siya lumisan upang maglakbay. Ang una ay binigyan ng lima, ang pangalawa ng dalawa, at ang pangatlo ay isa lamang—ayon sa kakayahan ng bawat isa. 

Nang bumalik ang Panginoon, tinawag Niya sila upang alamin kung ano na ang nangyari sa mga ibinigay nya. Ang unang dalawa ay naging tapat at masinop; pinalago nila ang ipinagkaloob sa kanila ng kanilang Panginoon. Ngunit ang ikatlong alipin, dahil sa takot at katamaran, ay ibinaon lamang ang ipinagkaloob sa kanya kaya hindi lumago. 

Lubhang nagalit ang Panginoon. Pinagsabihan Niya ang alipin na sana’y inilagak man lang niya ito sa bangko upang kumita ng interes. Dahil sa kanyang pagkukulang at kawalan ng pananampalataya, inalis sa kanya ang ibinigay, at siya’y itinapon sa kadiliman—doon sa lugar ng pagtangis at pagngangalit ng ngipin. 

Nakakatakot na kaparusahan! Kay lungkot isipin ang naging kapalaran ng aliping hindi ginamit ang ipinagkaloob sa kanya. Kung ginamit lamang niya ito, naligtas sana siya sa kahihiyan at sa mabigat na parusa. 

Ang Mabuting Balita ay hindi lamang kwento—ito ay isang salamin na naglalarawan ng ating sariling buhay. Ilang beses ba nating ipinagkait ang ating mga yaman, ginagamit lamang para sa sariling kapakanan? 

Madalas iniisip ng ilan na sapat nang dumalo sa Banal na Misa tuwing Linggo at magbigay sa koleksyon. Ngunit higit pa rito ang nais ng Panginoon—gusto nya ang buong pagkatao natin ay ialay natin sa pagpapalaganap ng kanyang mga aral. 

Paulit-ulit tayong inaanyayahan ng Simbahan na magbahagi kung anong meron tayo. Baka ikaw ay may talento sa pagkanta—bakit hindi ka sumali sa koro? Baka ikaw ay may kaloob sa paglilingkod—bakit hindi ka sumapi sa Mother Butler Guild o iba pang ministri ng paglilingkod? Baka ikaw ay may talino sa pagtuturo—bakit hindi ka maging katekista at magtanim ng binhi ng pananampalataya sa mga kabataan? 

Napakalawak ng ubasan ng Panginoon na lahat tayo ay pwedeng-pwede mag alay ng ating talino at panahon. Hindi ang laki ng ating iaalay ang mahalaga, kundi ang kahandaang ialay ito pabalik sa Diyos ng boung puso. 

Huwag nating itago ang ipinagkatiwala sa atin. Matuto tayong ibahagi ito sa Simbahan at sa kapwa upang ito’y mamunga at magbigay kaluwalhatian sa Diyos. Ibahagi natin ito, hindi dahil sa takot sa kaparusahan, kundi dahil sa ating wagas na pagmamahal kay Jesus na unang nag-bahagi ng Kanyang sarili para sa atin. 

At kapag ibinalik natin sa Kanya ang Kanyang kaloob, nagiging buhay na patotoo tayo ng Kanyang biyaya at tunay na katiwala ng Kanyang kaharian. 

Anong talinong meron ka ang maiaalay mo sa Panginoon? – Marino J. Dasmarinas

No comments: