At pagkatapos ay isinaysay ni Hesus ang talinhagang ito: “Ang bukirin ng isang mayaman ay umani nang sagana. Kaya’t nasabi niya sa sarili, ‘Ano ang gagawin ko? Wala na akong paglagyan ng aking ani! A, gigibain ko ang aking mga kamalig, at magtatayo ako ng lalong mas malaki.
Doon ko ilalagay ang aking ani at ari-arian. At sasabihin ko sa aking sarili, Ayan, marami naman na akong ari-arian! Hindi na ako kukulangin habambuhay! Kaya’t mamamahinga na lang ako, kakain, iinom, at magsasaya!’
Ngunit
sinabi sa kanya ng Diyos, ‘Hangal! Sa gabing ito’y babawian ka ng buhay. Kanino
mapupunta ang mga bagay na inihanda mo?’ Ganyan ang sasapitin ng nagtitipon ng
kayamanan para sa sarili, ngunit dukha naman sa paningin ng Diyos.”
+ + + + + + +
Repleksyon:
Ano ba ang materyal na kayamanan na tila hindi natin kayang bitiwan? Bakit marami sa atin ang mahigpit na kumakapit dito na para bang ito na ang ating kaligtasan?
May mga tao na handang isakripisyo ang magandang samahan sa pamilya, makamtan lamang ang yamang materyal. May ilan pa ngang hinahayaan masira ang kanilang pangalan at dangal, para lang magkamal ng salapi—kahit ito'y galing sa masama o maruming paraan.
Nakakalungkot. Ang ating labis na paghahangad sa kayamanan ay nagiging daan upang malasap natin ang impiyerno—hindi sa kabilang buhay, kundi habang tayo'y nabubuhay pa rito sa lupa. At kung hindi natin ito titigilan, maaaring ito rin ang maghahatid sa atin sa walang hanggang kapahamakan.
Sino ba sa atin
ang gustong pumunta sa impiyerno kapalit ng kayamanang makamundo?
Wala, syempre! Ngunit, tila hindi natin ito napapansin. Patuloy nating sinusubok pagurin at pahirapan ang ating mga sarili upang makamtan ito, na hindi natin namamalayang ang kasakiman sa yaman ay hindi magdudulot ng tunay na kapayapaan, kundi ng dalamhati at kaguluhan.
Ang kayamanan ay hindi naman likas na masama. Nagiging masama lamang ito kapag hinayaan nating ito ang magdikta sa ating puso at isip—kapag pinayagan nating ito ang magkontrol sa ating mga desisyon at layunin sa buhay.
Ano nga ba ang dapat nating gawin? Bantayan natin ang ating mga puso. Huwag nating hayaan na tayo’y alipinin ng salapi. Huwag nating hayaang ang makamundong yaman ang magtakda ng ating halaga o humubog sa ating pagkatao. Ang ating tunay na yaman ay wala sa dami ng ating ari-arian kundi nasa lalim ng ating ugnayan sa Diyos.
Sa ating Mabuting Balita ay may paalala si Jesus: “Mag-ingat kayo sa lahat ng uri ng kasakiman, sapagkat ang buhay ng tao ay hindi nasusukat sa dami ng kanyang kayamanan.” (Lucas 12:15)
Hindi sinasabi ni Jesus na masama ang umunlad o yumaman. Ang paalala Niya ay malinaw: Ang tunay na buhay—ang buhay na walang hanggan—ay hindi nakasalalay sa kung anong meron tayo, kundi sa kung paano tayo nabuhay, nagmahal, at naglingkod.
Darating ang araw na lahat tayo'y lilisan sa mundong ito. At sa sandaling iyon, ang susi sa pintuan ng langit ay hindi ang yamang naipon natin, kundi ang kabutihang ginawa natin sa ngalan ni Kristo—ang pagmamahal, ang awa, at ang pagtulong natin sa kapwa, lalo na sa mga kapos at nangangailangan. – Marino J. Dasmarinas
No comments:
Post a Comment