Monday, July 14, 2025

Ang Mabuting Balita at Repleksyon para sa Hulyo 20, Ika-16 na Linggo sa Karaniwang Panahon: Lucas 10:38-42


Mabuting Balita: Lucas 10:38-42
Noong panahong iyon, pumasok si Jesus sa isang nayon. Malugod siyang tinanggap ng isang babaing nagngangalang Marta sa tahanan nito. Ang babaing ito'y may isang kapatid na Maria ang pangalan. Naupo ito sa paanan ng Panginoon at nakinig sa kanyang itinuturo. 

Alalang-alala si Marta sapagkat kulang ang kanyang katawan sa paghahanda, kaya't lumapit siya kay Jesus at ang wika, "Panginoon, sabihin nga po ninyo sa kapatid kong tulungan naman ako." 

Ngunit sinagot siya ng Panginoon, "Marta, Marta, naliligalig ka at abalang-abala sa maraming bagay, ngunit isa lamang ang talagang kailangan. Pinili ni Maria ang lalong mabuti, at ito'y hindi aalisin sa kanya."

 + + + + + + +

Repleksyon:

Ano ang nagagawa ng palagiang pananalangin sa iyong kaluluwa? Ano ang ginagawa ng araw-araw na pagbabasa ng Biblia sa iyong puso? Ano ang nangyayari sa iyong palagiang pagdalo sa Banal na Misa? Ang mga banal na gawaing ito, kapag isinagawa nang may pagmamahal at debosyon, ay mas nagpapalapit sa atin kay Jesus. 

Sa atin pong Mabuting Balita, tayo ay inaanyayahan na magnilay sa mga ginawa nila Marta at Maria habang si Jesus ay nasa kanilang tahanan. 

Si Maria ay umupo lamang sa paanan ni Jesus, tahimik na nakikinig sa Kanyang mga salitang nakapagbabago ng buhay. Ganito rin ang ginagawa natin kapag tayo ay nananalangin. Ganito rin ang ginagawa natin kapag binubuksan natin ang Biblia at hinahayaan ang Salita ng Diyos na mangusap sa atin. Ganito rin ang ginagawa natin pag ang ating boung atensyon ay nasa Banal na Misa. 

Binigyang halaga ni Jesus ang tahimik na pakikinig ni Maria at ito rin ang nais ni Jesus para sa ating lahat: ang umupo tayo sa Kanyang paanan, at tahimik na makinig sa Kanya. 

Ano ang nangyayari kapag tayo ay may personal na ugnayan kay Jesus? Nagsisimula nating makita na ang buhay sa mundong ito ay pansamantala at mabilis lumilipas. Napagtatanto natin na lahat ng yaman, kapangyarihan at katanyagan na ating hinahabol ay walang halaga kung wala tayong personal na ugnayan kay Jesus. 

Kapag pinipili nating maglaan ng oras kay Jesus ay binubuksan ng Kanyang presensya ang ating mga mata sa napakaraming biyayang natatanggap natin. Tinuturuan tayo ni Jesus na mamuhay nang may malasakit sa ating kapwa lalo na sa mga nangangailangan. 

Paano naman si Marta? Wala siyang ginawang mali. Ang kanyang paglilingkod ay para din kay Jesus, ngunit nakaligtaan niya ang pagkakataon na umupo at makinig kahit sandal lang kay Jesus. Kaunting sandali lamang sana ang gugugulin nya ngunit napakalaki sana ang magiging epekto nito sa kanyang pagkatao. 

Habang nagpapatuloy tayo sa ating pansamantalang paglalakbay, patuloy tayong tutuksuhin ng mundo sa pagkaabala, sa walang katapusang paghahabol sa mga bagay ng mundo na naghihiwalay sa atin kay Jesus. 

Hindi dapat ito mangyari. Sapagkat anong halaga kung makamtan man natin ang lahat sa mundong ito ngunit wala naman tayong  ugnayan sa Diyos? Palagi tayong maglaaan ng kahit maikling  panahon kay Jesus  bago tayo sumuong sa mga gawain ng bawat araw. Sapagkat sa pakikinig lamang sa Kanya  natin  matatamo ang tunay na karunungan at kapayapaang hindi kayang ibigay ng mundong ito. 

May oras ka paba para makinig kay Jesus? Huwag nating kalilimutang mag laan ng oras para kay Jesus, sapagkat sa Kanya lamang natin matatagpuan ang tunay na kapayapaan na matagal nang hinahangad ng ating mga puso. – Marino J. Dasmarinas

No comments: