Tumugon siya, “‘Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso, nang buong kaluluwa, nang buong lakas, at nang buong pag-iisip’; at ‘Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili.’” “Tama ang sagot mo,” wika ni Hesus. “Gawin mo iyan at mabubuhay ka.”
Sa hangad ng eskriba na huwag siyang lumabas na kahiya-hiya, tinanong niya uli si Hesus, “Sino naman ang aking kapwa?” Sumagot si Hesus: “May isang taong naglalakbay buhat sa Jerusalem, patungong Jerico. Hinarang siya ng mga tulisan, kinuha pati damit sa katawan, binugbog at halos patay na nang iwan.
Nagkataong dumaan doon ang isang saserdote at pagkakita sa taong nakahandusay, siya’y lumihis at nagpatuloy ng kanyang lakad. Dumaan din ang isang Levita, ngunit tiningnan lamang niya ito at nagpatuloy ng kanyang lakad. Ngunit may isang Samaritanong naglalakbay na naparaan doon. Nakita niya ang hinarang at siya’y nahabag. Lumapit siya, binusan ng langis at alak ang mga sugat nito at tinalian.
Saka isinakay ang tao sa kanyang sinasakyang hayop, dinala sa bahay-panuluyan, at inalagaan doon. Kinabukasan, dumukot siya ng dalawang denaryo, ibinigay sa may-ari ng bahay-panuluyan at sinabi, ‘Alagaan mo siya, at kung magkano man ang kakulangan niyan, babayaran ko sa aking pagbabalik.’
Sino
ngayon sa palagay mo ang nagpakita ng kanyang pakikipagkapwa sa taong hinarang
ng mga tulisan?” tanong ni Hesus. “Ang nagpakita ng habag sa kanya,” tugon ng
eskriba. Sinabi sa kanya ni Hesus, “Humayo ka’t gayun din ang gawin mo.”
+ + + + + + +
Repleksyon:
Paano nga ba natin maipapakita ang pag-ibig, habag, at awa ni Jesus?
Ito ay kapag handa tayong lumapit at tumulong sa nangangailangan. Ito ay kapag pinipili nating magpatawad sa mga taong nakasakit sa atin. Ito ay kapag naglalaan tayo ng oras at lakas upang ipakita sa mundo na ang Diyos ay buhay at nananahan sa ating puso.
Sa ating Mabuting Balita ngayong Linggo, ang Samaritano, ay gumawa ng hindi inaasahan. Tinulungan niya ang isang lalaki na hinarang, ninakawan, at halos patayin. Maaari sana siyang dumaan na lamang at magkunwaring walang nakita, gaya ng ginawa ng Saserdote at Levita, ngunit hindi niya ito ginawa.
Sa halip, huminto ang Samaritano, nilapatan ng lunas ang lalaki, at dinala siya sa isang tahanan upang matiyak na siya ay gagaling at manunumbalik ang kanyang lakas. Ipinakita niya ang awa, pagmamahal, at malasakit sa isang taong walang kakayahang gumanti sa kanya.
Sino ba ang Samaritano na ito na nagpapakita ng ugali at puso ni Jesus? Hindi natin alam ang kanyang pangalan. Ngunit marahil, masasabi nating siya ay isang tunay na tagasunod ni Jesus—hindi lamang sa pangalan kundi sa salita at gawa.
Kung tinatawag natin ang ating sarili na mga tagasunod ni Jesus, ang kwento ng Mabuting Samaritano ay dapat maging kwento rin ng ating buhay. Tinatawag tayo upang maging maawain, mapagmahal, at mahabagin—kahit sa mga taong sa tingin natin ay hindi na karapat-dapat sa ating awa, pagmamahal, at malasakit.
Kung hindi,
katulad lamang tayo ng Saserdote at Levita na naglilingkod sa templo ng Diyos ngunit
paglilingkod sa pangalan lamang. – Marino J. Dasmarinas

No comments:
Post a Comment