Wednesday, June 11, 2025

Ang Mabuting Balita Huwebes Hunyo 12 Kapistahan ng Panginoong Hesukristo Walang Hanggan at Dakilang Pari: Juan 17:1-2, 9, 14-26


Mabuting Balita: Juan 17:1-2, 9, 14-26
Noong panahong iyon, tumingala si Hesus sa langit at ang wika, “Ama, dumating na ang oras: parangalan mo ang iyong Anak upang maparangalan ka naman niya. Sapagkat pinagkalooban mo siya ng kapangyarihan sa sangkatauhan, upang magbigay ng buhay na walang hanggan sa lahat ng ibinigay mo sa kanya.

“Idinadalangin ko sila, hindi ang sanlibutan kundi ang lahat ng ibinigay mo sa akin, sapagkat sila’y iyo. Naibigay ko na sa kanila ang iyong salita; at kinapootan sila ng sanlibutan, sapagkat hindi na sila makasanlibutan, tulad kong hindi makasanlibutan. Hindi ko idinadalanging alisin mo sila sa sanlibutan, kundi iligtas mo sila sa Masama!

Hindi sila makasanlibutan, tulad kong hindi makasanlibutan. Italaga mo sila sa pamamagitan ng katotohanan; ang salita mo’y katotohanan. Kung paanong sinugo mo ako sa sanlibutan, gayun din naman, sinusugo ko sila sa sanlibutan. At alangalang sa kanila’y itinalaga ko ang aking sarili, upang maitalaga rin sila sa pamamagitan ng katotohanan.”

“Hindi lamang ang aking mga alagad ang idinadalangin ko, kundi pati ang mga mananalig sa akin dahil sa kanilang pahayag. Maging isa nawa silang lahat, Ama. Kung paanong ikaw ay nasa akin at ako’y nasa iyo, gayun din naman, maging isa sila sa atin upang maniwala ang sanlibutan na ikaw ang nagsugo sa akin.

Ang karangalang ibinigay mo sa akin ay ibinigay ko sa kanila upang sila’y ganap na maging isa, gaya nating iisa: ako’y nasa kanila at ikaw ay nasa akin, upang lubusan silang maging isa. At sa gayun, makikilala ng sanlibutan na sinugo mo ako, at sila’y iniibig mo katulad ng pag-ibig mo sa akin.”

“Ama, nais kong makasama sa aking kinaroroonan ang mga ibinigay mo sa akin, upang mamasdan nila ang karangalang bigay mo sa akin, sapagkat inibig mo na ako bago pa nilikha ang sanlibutan.

Makatarungang Ama, hindi ka nakikilala ng sanlibutan, ngunit nakikilala kita; at nalalaman ng mga ibinigay mo sa akin na ikaw ang nagsugo sa akin. Ipinakilala kita sa kanila, at ipakikilala pa, upang ang pag-ibig mo sa akin ay sumapuso nila at ako nama’y sumakanila.”

No comments: