Wednesday, June 11, 2025

Ang Mabuting Balita at Repleksyon para sa Linggo Hunyo 15, Dakilang Kapistahan ng Tatlong Persona sa Isang Diyos: Juan 16:12-15


Mabuting Balita: Juan 16:12 – 15
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: "Marami pa akong sasabihin sa inyo, ngunit hindi pa ninyo kayang unawain ngayon. Pagdating ng Espiritu ng katotohanan, tutulungan niya kayo upang maunawaan ang buong katotohanan.  

Sapagkat magsasalita siya hindi sa ganang kanyang sarili; sasabihin niya sa inyo ang kanyang narinig, at ipapahayag ang mga bagay na darating. Pararangalan niya ako, sapagkat sa akin magmumula ang ipapahayag niya sa inyo. Ang lahat ng sa Ama ay akin; kaya ko sinabing sa akin magmumula ang ipapahayag niya sa inyo."

+ + + + + + +

Repleksyon:
May isang kuwento tungkol sa isang responsableng asawa na bigla na lamang pumanaw—nang walang anumang palatandaan ng karamdaman. Labis ang dalamhati ng kanyang asawa at mga anak, at tinanong nila ang Panginoon ng ganito: “Panginoon, bakit ito nangyari?”

Tunay ngang may mga sandali sa ating buhay na hindi natin maipaliwanag. Mga panahong tila ba tayo'y nasa dilim, bitbit ang mga tanong na tila walang kasagutan. Ngunit kahit sa gitna ng mga pangyayaring masakit at mahirap intindihin, tayo ay tinatawagan ng Diyos na magtiwala.

Maaaring hindi natin maunawaan ang mga kaparaanan ng Diyos, ngunit dapat tayong manampalataya na sa kabila ng lahat, may liwanag na sisikat sa gitna ng dilim. Darating ang pagtanggap—hindi dahil nawala ang sakit, kundi dahil matatag pa rin ang ating pananampalataya sa Diyos.

Ipinagdiriwang po natin ang Kapistahan ng Tatlong Persona sa Isang Diyos —isa sa pinakamalalim na misteryo ng ating pananampalataya. Isang Diyos sa tatlong Persona: ang Ama, ang Anak, at ang Espiritu Santo. Paano ito naging posible? Paano nagiging iisa ang tatlong natatanging Persona?

Ang kasagutan ay pag-ibig.

Ang pag-ibig ang banal na ugnayan na nagbubuklod sa Ama, sa Anak, at sa Espiritu Santo. Isang pag-ibig na dalisay, walang pag-iimbot, at walang hanggan. Ang parehong pag-ibig na ito rin ang pundasyon ng pagkakaisa sa ating pamilya, sa ating mga pagkakaibigan, at sa ating mga ministri sa simbahan.

Kung paanong ang Tatlong Persona sa Isang Diyos ay nagkakaisa sa ganap na pag-ibig, gayundin tayo'y tinatawag na ipamalas ang pagkakaisang ito sa ating mga ugnayan—sa pamamagitan ng pag papasensya, kababaang-loob, at pag mamalasakit.

Maaaring mahirap para sa marami sa atin na lubos na maunawaan ang misteryo ng Tatlong Persona sa Isang Diyos. Ngunit may mga katotohanan sa ating pananampalataya na kalagan tanggapin natin ng buong puso. Isa na rito ang Dogma ng Tatlong Persona sa Isang Diyos: isang banal na misteryong ipinahayag hindi upang tayo’y lituhin, kundi upang dalhin tayo sa mas malalim na pananampalataya. 

Ngunit paano natin maisasabuhay ang misteryong ito kung bihira tayong dumalo sa Banal na Misa? Kung ang ating Bibliya ay nananatiling nakatabi at inaagiw sa isang sulok ng ating tahanan? Kung hindi tayo naglalaan ng oras sa panalangin at hindi isinasabuhay ang ating pananampalataya? — Marino J. Dasmarinas

No comments: