Saturday, June 07, 2025

Ang Mabuting Balita at Repleksyon para sa Linggo Hunyo 8, Linggo ng Pentekostes: Juan 20:19-23


Mabuting Balita: Juan 20:19-23
Kinagabihan ng Linggo ding iyon, ang mga alagad ay nagkakatipon. Nakapinid ang mga pinto ng bahay na kanilang pinagtitipunan dahil sa takot nila sa mga Judio. Dumating si Jesus at tumayo sa gitna nila. "Sumainyo ang kapayapaan!" sabi niya. Pagkasabi nito, ipinakita niya ang kanyang mga kamay at ang kanyang tagiliran. Tuwang-tuwa ang mga alagad nang makita ang Panginoon.  

Sinabi na naman ni Jesus, "Sumainyo ang kapayapaan! Kung paanong sinugo ako ng Ama, gayon din naman, sinusugo ko kayo." Pagkatapos, sila'y hiningahan niya at sinabi, "Tanggapin ninyo ang Espiritu Santo. Ang patawarin ninyo sa kanilang mga kasalanan ay pinatawad na nga; ang hindi ninyo patawarin ay hindi nga pinatawad."

+ + + + + + +

Repleksyon:

May kwento tungkol sa dalawang magkapatid na naninirahan sa isang liblib na lugar sa kanayunan. Magkaibang-magkaiba ang kanilang mga pamumuhay. Si Kapatid A ay isang mabait at mahinahong tao—may malasakit, laging handang tumulong sa kaniyang mga kapitbahay. Siya ay mapagpakumbaba, paladasal, at aktibong kasapi ng kanilang simbahan. 

Samantalang si Kapatid B ay kabaligtaran. Hindi mabuti ang kanyang pag-uugali, alipin sya ng bisyo, at punong-puno ng kayabangan. Hindi siya nagsisimba at mas pinipili niyang makisama sa kaniyang mga kainuman kaysa dumalo sa Banal na Misa tuwing Linggo. 

Dahil sa kabutihan at maka-Diyos na pag-uugali ni Kapatid A, ang mga tao sa kanilang komunidad ay kusang-loob na lumalapit at nagtitiwala sa kanya. Kapag may alitan sa lugar, siya ang tinatakbuhan upang mamagitan at magpayapa. Linggo-linggo rin siyang dinadalaw sa kaniyang tahanan ng kanyang mga kabarangay upang imbitahang maging tagapamuno sa kanilang mga panalanging pagtitipon. 

Paano nga ba kumikilos ang Banal na Espiritu Santo sa ating mga buhay? Paano Niya ipinadarama ang Kaniyang presensya? Ito ang tanong ng marami sa atin. Madalas, tayo ay naghahangad ng tanda—isang bagay na nahahawakan o nararamdaman na magsasabing kasama natin ang Banal na Espiritu Santo. Ngunit sa marami, tila mailap ang sandaling ito ng katiyakan. 

Ang katotohanan ay ito: Ipinapahayag ng Diyos na Banal na Espiritu Santo ang Kaniyang sarili sa buhay ng mga taong lumalakad nang may kababaang-loob—sa mga taong namumuhay nang naaayon sa kagustuhan ng Diyos. Kumikilos ang Espiritu Santo katulad ng mga taong lumapit kay Kapatid A—dahil siya ay may pusong mabuti, mapanalanginin, at masunurin. Kung hangad nating maranasan ang presensya ng Banal na Espiritu Santo nang lubos, dapat tayong magsikap na mamuhay ayon sa Salita ng Diyos. 

Sa Ebanghelyo ngayong Linggo, makikita natin ang mga alagad na nagkukubli sa likod ng mga nakasaradong pinto ng isang bahay, natatakot sa mga taong umuusig sa kanila. Ngunit bukod sa pagtatago, ano pa kaya ang kanilang ginagawa? Tiyak na sila rin ay nananalangin—humihingi ng proteksyon at lakas mula kay Jesus. At hindi sila binigo ng Panginoon. 

Sa katahimikan ng silid na iyon, nagpakita si Jesus sa gitna nila. At buong pag-ibig Niyang sinabi, “Kapayapaan ang sumainyo.” Hindi lamang isang beses, kundi dalawang ulit. 

Ipinagkaloob Niya ang Kaniyang kapayapaan—isang kapayapaang kayang tangalin ang anumang takot, isang kapayapaang nagpapahayag ng Kaniyang patuloy na presensya. Pagkatapos, hiningahan Niya sila at sinabi, “Tanggapin ninyo ang Banal na Espiritu Santo.” 

Ang kapayapaan ng Diyos at ang presensya ng Banal na Espiritu ay mga kaloob na dumarating sa atin kapag tayo’y namumuhay bilang mga tapat na tagasunod ni Kristo. Ang kapayapaang ito ay hindi nangangahulugang wala na tayong mararanasang suliranin. Sa halip, ito’y nangangahulugang sa gitna ng mga unos ng buhay, mananatili tayong payapa at panatag, dahil alam nating kasama natin ang Banal na Espiritu Santo. 

Nararamdaman mo ba ang presensya ng Banal na Espiritu Santo ngayon? Nararamdaman mo ba ang Kaniyang pag-gabay? – Marino J. Dasmarinas

No comments: