Friday, May 30, 2025

Ang Mabuting Balita at Repleksyon para sa Linggo Hunyo 1, Ang Pag-Akyat ng Panginoon:Lucas 24:46-53


Mabuting Balita: Lucas 24:46-53
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Ganito ang nasusulat: kinakailangang magbata ng hirap at mamatay ang Mesiyas at muling mabuhay sa ikatlong araw. 

Sa kanyang pangalan, ang pagsisisi at kapatawaran ng mga kasalanan ay dapat ipangaral sa lahat ng bansa, magmula sa Jerusalem. Kayo ang mga saksi sa mga bagay na ito. Tandaan ninyo: susuguin ko sa inyo ang ipinangako ng aking Ama, kaya’t huwag kayong aalis sa lungsod hanggang hindi kayo napagkakalooban ng kapangyarihan mula sa itaas.” 

Pagkatapos, sila’y isinama ni Hesus sa labas ng lungsod. Pagdating sa Betania, itinaas niya ang kanyang mga kamay at pinagpala sila. Samantalang iginagawad niya ito, siya nama’y lumalayo paakyat sa langit. Siya’y sinamba nila; pagkatapos, sila’y nagbalik sa Jerusalem, taglay ang malaking kagalakan. Palagi sila sa templo at doo’y nagpupuri sa Diyos.

+ + + + + + +

Repleksyon:

May isang kuwento tungkol sa isang ama na naghahanda nang umalis upang magtrabaho sa isang malayong lugar. Bago siya umalis, tinipon niya ang kaniyang mga anak at buong pagmamahal na pinaalalahanan silang huwag kalilimutan ang mga responsibilidad na ipinagkatiwala niya sa bawat isa sa kanila. Tiniyak din niya na kung sakaling may pangangailangan o problema, maaari siyang kontakin at palagi siyang magiging naroon para sa kanila.

Matapos ang apatnapung araw mula sa Kaniyang maluwalhating muling pagkabuhay at matapos ang maraming pagpapakita sa Kaniyang mga alagad, si Jesus — ay handa nang bumalik sa Ama. Tapos na ang Kaniyang misyon sa mundo. Panahon na upang Siya ay umakyat sa langit.

Ngunit bago Siya umakyat, ipinagkatiwala Niya ang isang banal na tungkulin sa Kaniyang mga apostol—ang misyon na ipagpatuloy ang Kaniyang gawain, ipahayag ang Mabuting Balita sa lahat ng bansa, at maging buhay na saksi ng Kaniyang presensya.

Ano ang kahulugan ng Pag-akyat sa Langit para sa mga apostol? Isa itong sandali ng pamamaalam ngunit isa ring sandali ng pagkatalaga. Ipinahihiwatig nito na ang pananagutan sa pagpapalaganap ng Mabuting Balita ay nasa kanilang mga kamay na ngayon. Hindi na sila maaaring manatiling walang ginagawa. Tinatawag na silang dalhin ang liwanag ni Kristo sa sanlibutan.

Nagtagumpay ba sila? Oo, sa biyaya ng Diyos, nagtagumpay sila. Ngunit hindi ito naging madali. Dumaan sila sa pag-uusig, mga pagsubok, at kahirapan. Gayunman, dahil sa matatag na pananampalataya ay tinupad nila ang kanilang misyon nang may kagalakan kahit na ito ay mahirap.

Ang Pag-akyat ng ating Panginoon ay hindi lamang isang pangyayari sa kasaysayan ng kaligtasan—isa rin itong banal na paalala sa atin sa kasalukuyan. Tayo na ngayon ang Kaniyang mga alagad sa makabagong panahong ito ng social media. Nagpapatuloy ang misyon sa pamamagitan natin. Nasa ating mga balikat ang banal na tungkulin na ibahagi ang pag-ibig ni Jesus at ipahayag ang Kaniyang katotohanan.

Ngunit kadalasan, tayo ay nag-aatubili. Pakiramdam natin ay hindi tayo karapat-dapat. Sinasabi natin, “Panginoon, hindi ako magaling magsalita,” o “Wala akong kakayahan, talento, o sapat na yaman.” Ngunit ang ebanghelisasyon ay hindi nakasalalay sa pagiging mahusay o may kakayahan. Ito ay nagmumula sa pusong umiibig kay Kristo.

Ipinapahayag natin ang Ebanghelyo sa pamamagitan ng ating pag mamalasakit at pagtulong sa ating kapwa, kababaang-loob, at araw-araw na mga gawa ng kabutihan. Maaaring maging buhay na patotoo ang ating mga buhay sa pag-ibig ng Diyos. Kahit isang simpleng pagbabahagi ng talata mula sa Ebanghelyo online, o pagbibigay ng payo sa isang nangangailangan, ay isang makapangyarihang anyo ng ebanghelisasyon.

Minsan tayo ay pinipigilan ng takot—takot na ma-reject, takot na husgahan, takot na hindi sapat ang ating kakayahan. Ngunit pinaaalalahanan tayo ng Kasulatan: “Sapagkat ang espiritung ibinigay sa atin ng Diyos ay hindi espiritu ng kahinaan, kundi espiritu ng kapangyarihan, pag-ibig, at pagpipigil sa sarili” (2 Timoteo 1:7). Kapag tayo’y kumilos sa pananampalataya, pinapalakas tayo ng Espiritu Santo.

Habang si Jesus ay umaakyat sa langit, hindi Niya tayo iniiwan. Ipinangako Niyang mananatili Siyang kasama natin magpakailanman, at isinugo Niya ang Espiritu Santo upang gabayan at palakasin tayo. Nasa atin na ngayon ang misyon. Ang tanong: Tutuparin ba natin ito? – Marino J. Dasmarinas

No comments: