“Sinabi ko sa inyo ang mga bagay na ito samantalang kasama pa ninyo ako. Ngunit ang Patnubay, ang Espiritu Santo na susuguin ng Ama sa pangalan ko, ang siyang magtuturo sa inyo ng lahat ng bagay at magpapaalaala ng lahat ng sinabi ko sa inyo.
“Kapayapaan ang iniiwan ko sa inyo.
Ang aking kapayapaan ang ibinibigay ko sa inyo; hindi ito katulad ng ibinibigay
ng sanlibutan. Huwag kayong mabalisa; huwag kayong matakot. Sinabi ko na sa
inyo, ‘Ako’y aalis, ngunit babalik ako.’ Kung iniibig ninyo ako, ikagagalak
ninyo ang pagpunta ko sa Ama, sapagkat dakila ang Ama kaysa sa akin. Sinasabi
ko na ito sa inyo bago pa mangyari upang, kung mangyari na, kayo’y manalig sa
akin.
+ + + + + + +
Sa atin pong Mabuting Balita ngayong Linggo, pinaaalala sa atin ng ating Panginoong Jesu- Kristo ang hindi mapaghihiwalay na ugnayan ng pag-ibig, pagsunod, at pananahan ng Banal na Espiritu sa ating puso. Hindi lamang si Jesus nagsasalita tungkol sa pag-ibig, kundi sa isang pag-ibig na pinatutunayan sa katapatan—pag-ibig na nagdudulot ng kapayapaan, hindi pagkakawatak-watak.
Paano natin masasabing mahal natin ang Diyos kung binabale-wala natin ang Kanyang salita? Paano natin tatanggapin ang presensya ng Banal naEspiritu Santo kung ang ating buhay ay puno ng pansariling interes?
Marami sa atin ang nagsasabing mahal natin ang Panginoon. Ipinahahayag natin ang ating pananampalataya sa Kabanal-banalang Santatlo—Ama, Anak, at Espiritu Santo—at dumadalo sa Banal na Misa tuwing Linggo. Pero kadalasan ay hindi naaayon ang ating mga gawa sa ating mga sinasabi. Gaano kadalas tayong nagpaparangal sa Diyos sa pamamagitan ng ating mga labi, subalit ang ating mga puso ay malayo naman sa Kanya?
Tayo ay inaanyayahan na magnilay nang malalim. Kung tunay nating hinahangad ang isang buhay kay Kristo, kinakailangan natin ng isang radikal na pagbabagong-loob—isang pagbabagong nagmumula sa puso. Tanging sa ganitong paraan natin masasabing may katapatan at katotohanan na isinasabuhay natin ang Kanyang Salita at lumalakad tayo sa Kanyang liwanag.
Darating ang araw na iiwan natin ang mundong ito. At sa oras na iyon, wala nang halaga ang anumang kayamanan, kapangyarihan at katanyagan. Ang mahalaga ay kung tayo ba ay namuhay para kay Kristo, inibig Siya, at tinupad ang Kanyang mga utos. – Marino J. Dasmarinas

No comments:
Post a Comment