Saturday, May 03, 2025

Ang Mabuting Balita at Repleksyon para sa Mayo 4, Ikatlong Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay: Juan 21:1-19


Mabuting Balita:
Juan 21:1-19
Noong panahong iyon, muling napakita si Hesus sa mga alagad sa tabi ng Lawa ng Tiberias. Ganito ang pangyayari. Magkakasama sina Simon Pedro, Tomas na tinaguriang Kambal, Natanael na taga-Cana, Galilea, ang mga anak ni Zebedeo, at dalawang pang alagad. 

Sinabi sa kanila ni Simon Pedro, “Mangingisda ako.” “Sasama kami,” wika nila. Umalis sila at lumulan sa bangka, subalit walang nahuli nang gabing iyon. Nang magbubukang-liwayway na, tumayo si Hesus sa pampang, subalit hindi siya nakilala ng mga alagad. Sinabi niya, “Mga anak, mayroon ba kayong huli?” “Wala po,” tugon nila. “Ihulog ninyo ang lambat sa gawing kanan ng bangka at makahuhuli kayo,” sabi ni Hesus. 

Inihulog nga nila ang lambat at hindi nila ito mahila sa dami ng huli. Sinabi kay Pedro ng alagad na minamahal ni Hesus, “Ang Panginoon iyon!” Nang marinig ito ni Simon Pedro, siya’y nagsuot ng damit sapagkat hubad siya at tumalon sa tubig. Ang kasama niyang mga alagad ay sumapit sa pampang, sakay ng munting bangka, hila-hila ang lambat na puno ng isda. 

Hindi sila gaanong kalayuan sa pampang – mga siyamnapung metro lamang. Pag-ahon nila sa pampang ay nakakita sila roon ng mga baga na may isdang nakaihaw, at ilang tinapay. “Magdala kayo rito ng ilang isdang nahuli ninyo,” sabi ni Hesus. Kaya’t sumampa sa bangka si Simon Pedro at hinila sa pampang ang lambat na puno ng malalaking isda – sandaan at limampu’t tatlong lahat. 

Hindi napunit ang lambat, kahit gaano karami ang isda. “Halikayo at mag-almusal tayo,” sabi ni Hesus. Isa man sa mga alagad ay walang nangahas magtanong sa kanya kung sino siya, sapagkat alam nila na siya ang Panginoon. Lumapit si Hesus, kinuha ang tinapay at ibinigay sa kanila, gayon din ang isda. 

Ito ang ikatlong pagpapakita ni Hesus sa mga alagad pagkatapos na siya’y muling mabuhay. 

Pagkakain nila, tinanong ni Hesus si Simon Pedro, “Simon, anak ni Juan, iniibig mo ba ako nang higit kaysa mga ito?” “Opo, Panginoon, nalalaman ninyong iniibig ko kayo,” tugon niya. Sinabi sa kanya ni Hesus, “Pakanin mo ang aking mga batang tupa.” Muli siyang tinanong ni Hesus, “Simon, anak ni Juan, iniibig mo ba ako?” 

 Sumagot si Pedro, “Opo, Panginoon, nalalaman niyong iniibig ko kayo.” Ani Hesus, “Pangalagaan mo ang aking mga tupa,” Pangatlong ulit na tinanong siya ni Hesus, “Simon, anak ni Juan, iniibig mo ba ako?” Nalungkot si Pedro, sapagkat makaitlo siya tinanong: “Iniibig mo ba ako?” At sumagot siya, “Panginoon, nalalaman po ninyo ang lahat ng bagay; nalalaman ninyong iniibig ko kayo.” 

Sinabi sa kanya ni Hesus, “Pakanin mo ang aking mga tupa. Tandaan mo: noong kabataan mo pa, ikaw ang nagbibihis sa iyong sarili at lumalakad ka kung saan mo ibig. Ngunit pagtanda mo, iuunat mo ang iyong mga kamay at iba ang magbibihis sa iyo at dadalhin ka kung saan hindi mo ibig.” Sinabi niya ito upang ipakilala kung paano mamamatay si Pedro at sa gayo’y mapararangalan niya ang Diyos. Pagkatapos, sinabi sa kanya ni Hesus, “Sumunod ka sa akin!”

+ + + + + + +

Repleksyon:

May  isang kuwento tungkol sa isang ina na palaging nananalangin sa Panginoon upang tulungan siyang palakihing responsable at mapagmahal ang kanyang mga anak. Nang ang kanyang mga anak ay lumaki at nagkaroon ng kani-kaniyang pamilya, sila ay naging responsible,  mapagmahal at nagkaroon ng maayos na buhay.

Palagi mo rin bang hinahanap ang pag gabay ng Panginoong Hesukristo tuwing may nais kang makamit sa iyong buhay? Humihingi ka ba palagi sa Kanya ng tulong upang ito ay magkatotoo?

Sa ating pong Mabuting balita, habang nagluluksa pa rin at litong-lito ang mga alagad dahil sa pagkamatay ni Hesus, sila ay bumalik sa dating hanapbuhay bilang mga mangingisda. Nagsikap silang mangisda sa sarili nilang kakayahan, at marahil ay nakalimot sila sa Panginoon kasi ang nasa isip nila ay siya ay hindi pa muling nabuhay.

Ngunit sa di-inaasahang pagkakataon, habang sila’y papalapit sa pampang, naroon na si Hesus na muling nabuhay at naghihintay sa kanila. Sinabi ni Jesus sa kanila, “Mga anak, may nahuli ba kayong makakain?” Sumagot sila, “Wala po” (Juan 21:5). Sinabi ni Jesus, “Ihulog ninyo ang lambat sa kanang bahagi ng bangka at makakahuli kayo.” Inihulog nga nila, at halos hindi nila ito mahila dahil sa dami ng isdang nahuli (Juan 21:6).

Makikita natin ang kamangha-manghang impluwensiya ni Jesus sa buhay ng Kanyang mga alagad. Nang sila’y nangisda nang wala si Jesus, wala silang nahuli. Ngunit nang dumating si Jesus sa kanilang piling ay napakarami nilang nahuli.

Ang tagpong ito sa Ebanghelyo ay maaari ring maganap sa ating araw-araw na buhay. Kapag tayo’y kumikilos nang sarili lamang nating kakayahan at hindi humihingi ng gabay sa Panginoon, madalas ay nauuwi ito sa kabiguan. Bawat gawain o layunin na tinatangka nating makamit nang walang gabay ng Panginoon ay nauuwi sa kahungkagan o kawalan.

Ngunit sa sandaling hingin natin kay Jesus na siya ay maging ilaw at gabay natin sa pagtupad ng ating mga mithiin at adhikain sa buhay, tiyak na makakamtan natin ito—sapagkat tinawag natin Siya at hiniling ang Kanyang tulong at paggabay.

Si Jesus ay buhay at muling nabuhay! Ginagawa Niyang possible para sa atin ang mga imposibleng bagay, gaano man ito kahirap kamtin. Binibigyan Niya ng pag-asa ang nawawalan ng pag-asa. Ginagawa Niyang makabuluhan ang isang buhay na tila walang direksyon o saysay. Isa lamang ang hinihingi Niya sa atin—na hingin natin ang Kanyang tulong at paggabay.

Palagi mo bang hinihiling ang tulong at paggabay ng Panginoon sa iyong pagharap sa mga hamon ng buhay? – Marino J. Dasmarinas

No comments: