Saturday, April 19, 2025

Ang Mabuting Balita at Repleksyon para sa Abril 20, Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay: Juan 20:1-9


Mabuting Balita: Juan 20:1-9
Madilim-dilim pa ng araw ng Linggo, naparoon na si Maria Magdalena sa libingan. Naratnan niyang naalis na ang batong panakip sa pinto ng libingan. Dahil dito, patakbo siyang pumunta kay Simon Pedro at sa alagad na mahal ni Jesus, at sinabi sa kanila, "Kinuha sa libingan ang Panginoon at hindi namin alam kung saan dinala!" 

Kaya't si Pedro at ang nasabing alagad ay nagpunta sa libingan. Kapwa sila tumakbo ngunit si Pedro'y naunahan ng kasamang alagad. Yumuko ito at sumilip sa loob. Nakita niyang nakalatag ang mga kayong lino, ngunit hindi siya pumasok. Kasunod niyang dumating si Simon Pedro at tuloy-tuloy itong pumasok sa libingan. 

Nakita niya ang mga kayong lino at ang panyong ibinalot sa ulo. Hindi ito kasama ng mga kayong lino, kundi hiwalay na nakatiklop sa isang tabi. Pumasok din ang alagad na naunang dumating; nakita niya ito at siya'y naniwala. Hindi pa nila nauunawaan ang nasasaad sa Kasulatan, na kailangang muling mabuhay si Hesus.  

+ + + + + + +

Repleksyon:
Ipalagay mong ikaw ang nasa kalagayan nina Maria Magdalena, Simon Pedro, at ng alagad na minamahal ni Jesus. Hindi ka rin ba mag-aalala gaya nila nang makita nilang wala na si Jesus sa kanyang ng libingan? Siyempre! Normal lang na ganoon ang maging reaksyon mo—malilito, mag alala  at mabalisa rin. 

Pero paano kung alam na nila noon pa na si Jesus ay muling mabubuhay pagkalipas ng tatlong araw? Magiging balisa pa rin ba sila? Siyempre hindi na. Sa halip ay magiging masaya sila at nagdiriwang, sapagkat natupad na ang kanilang inaasahan. 

Ito ang kaibahan natin ngayon kina Maria Magdalena, Simon Pedro, at Juan (ang minamahal na alagad). Dahil sa kanilang panahon ay hindi pa nila alam na si Jesus ay muling mabubuhay pagkalipas ng tatlong araw. Sa mga sumunod na mga pangyayari lang nila nalaman ang muling pagkabuhay ni Jesus. 

Kahit na mahirap ang ating pinagdaraanan sa buhay ngayon, tayong mga naniniwala sa muling pagkabuhay ni Jesus ay dapat pa ring maging masaya. Dahil may Diyos tayong nag alay ng Kanyang buhay sa krus para sa atin. May Diyos tayong nagmamahal ng wagas sa atin. 

At may Diyos tayong nagpapatawad sa ating mga kasalanan. May Diyos tayo na handang kalimutan ang ating madilim na nakaraan at palaging handa na gumabay sa ating maliwanag na kinabukasan. 

Ngayong Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay, inaanyayahan tayo ng Muling Nabuhay na Kristo

na maging Kanyang mga buhay na saksi. Na nagbibigay ng liwanag at pag-asa sa buhay ng ating kapwa lalong lalo na sa ating kapwa na dumadaan sa mga matitinding hamon ng buhay. — Marino J. Dasmarinas

No comments: