Pumaroon
si Judas, kasama ang ilang bantay sa templo at isang pangkat ng mga kawal na
padala ng mga punong saserdote at mga Pariseo. May dala silang mga parol, sulo
at sandata. Alam ni Jesus ang lahat ng mangyayari sa kanya, kaya't sila'y
sinalubong niya at tinanong, "Sino ang hinahanap ninyo?" "Si
Hesus na taga-Nazaret," tugon nila, Sinabi niya, "Ako si
Hesus."
Kaharap nila si Judas na nagkanulo sa kanya. Nang sabihin ni Jesus
na siya nga, napaurong sila at nabuwal sa lupa. Muli siyang nagtanong,
"Sino nga ang hinahanap ninyo?" "Si Jesus na taga-Nazaret,"
sagot nila. "sinabi ko na sa inyong ako si Jesus. Kung ako ang hinahanap
ninyo, hayaan ninyong umalis ang mga taong ito," wika niya.
Sinabi niya ito upang matupad ang kanyang salita, "Walang
napahamak kahit isa sa mga ibinigay mo sa akin, Ama." Binunot ni Simon
Pedro ang kanyang tabak at tinaga ang alipin ng pinakapunong saserdote.
Natigpas ang kanyang tainga ng aliping yaon na ang pangala'y Malco. Sinabi ni
Jesus kay Pedro, "Isalong mo ang iyong tabak! Dapat kong inumin ang saro
ng paghihirap na ibinigay sa akin ng Ama."
Si Jesus ay dinakip at ginapos ng mga bantay na Judio at ng
pangkat ng mga kawal sa pamumuno ng kanilang kapitan. Siya'y dinala muna kay
Anas na biyenan ni Caifas na pinakapunong saserdote nang panahong yaon. Si
Caifas ang nagpayo sa mga Judio na mas mabuti para sa kanila na isang tao
lamang ang mamatay alang-alang sa bayan.
Si Simon Pedro at ang isa pang alagad ay sumunod kay Jesus. Kilala
ng pinakapunong saserdote ang alagad na ito, kaya't nakapasok siyang kasama ni
Jesus sa patyo ng bahay ng pinakapunong saserdote. Naiwan naman si Pedro sa
labas ng pintuan.
Lumabas ang alagad na kilala ng pinakapumong saserdote , kinausap
ang dalagang nagbabantay sa pinto, at pinapasok si Pedro. Si Pedro'y tinanong ng
dalaga, hindi ba't isa ka sa mga alagad ng taong iyan?" "Hindi,"
sagot ni Pedro. Maginaw noon, kaya't nagpabaga ng uling ang mga alipin at mga
bantay at tumayo sa paligid ng siga upang magpainit. Nakihalo si Pedro at
nagpainit din.
Si Jesus ay tinanong ng pinakapunong saserdote tungkol sa kanyang
mga alagad at sa kanyang itinuturo. Sumagot si Jesus, "Hayagan akong
nagsasalita sa madla; lagi akong nagtuturo sa mga sinagoga at sa templo ng mga
Judio. Wala akong sinabing palihim. Bakit ako ang tinatanong ninyo?
Ang tanungin ninyo'y ang mga nakarinig sa akin; alam nila kung ano
ang sinabi ko." Pagkasabi nito, siya'y sinampal ng isa sa mga bantay na
naroroon. "Bakit mo sinasagot ng ganyan ang pinakapunong saserdote?"
tanong niya. Sinagot siya ni Jesus, "Kung nagsalita ako ng masama,
patunayan mo! Ngunit kung mabuti ang sinabi ko, bakit mo ako sinampal?" Si
Jesus na nagagapos pa noon ay ipinadala ni Anas kay Caifas, ang pinakapunong
saserdote.
Samantala, naroon pa rin si Simon Pedro at nagpapainit. Siya'y
tinanong nila, "Hindi ba't alagad ka rin ng taong iyan?"
"Hindi!" sagot ni Pedro. Tinanong naman siya ng isang alipin ng
pinakapunong saserdote , kamag-anak ng lalaking tinagpasan niya ng tainga,
"Hindi ba ikaw ang nakita kong kasama ni Jesus sa halamanan?" Muling
itinatwa ito ni Pedro. Siya namang pagtilaok ng manok.
Mula sa bahay ni Caifas, si Jesus ay dinala nila sa palasyo ng
gobernador. Umaga na noon. Hindi pumasok ang mga Judio sa palasyo ng
gobernador, upang sila'y huwag maituring na di karapat-dapat kumain ng Hapunang
Pampaskuwa. Kaya't sa labas sila tinanggap ni Pilato at tinanong, "Ano ang
sakdal ninyo laban sa taong ito?"
Sumagot sila, "Kung hindi po siya gumawa ng masama, hindi
namin siya dadalhin sa inyo." Sinabi sa kanila ni Pilato, "Dalhin
ninyo siya, at hatulan ayon sa inyong kautusan." Sumagot ang mga Judio,
"Wala po kaming kapangyarihang humatol ng kamatayan kaninuman."
Nangyari ito upang matupad ang sinabi ni Jesus tungkol sa paraan ng kanyang
pagkamatay.
Si Pilato'y pumasok uli sa palasyo at tinawag si Jesus. "Ikaw
ba ang Hari ng mga Judio?" tanong niya. Sumagot si Jesus, "Iyan ba'y
galing sa inyong sariling isipan, o may nagsabi sa inyo?" "Ako ba'y
Judio?" tanong ni Pilato. "Ang mga kababayan mo at ang mga punong
saserdote ang nagdala sa inyo rito.
Ano ba ang ginawa mo?" Sumagot si Jesus, "Ang kaharian
ko'y hindi sa sanlibutang ito. Kung sa sanlibutang ito ang aking kaharian ,
ipinakipaglaban sana ako ng aking mga tauhan at hindi naipagkanulo sa mga
Judio. Ngunit hindi sa sanlibutang ito ang aking kaharian!" Kung gayon,
isa kang hari?" sabi ni Pilato.
Sumagot si Jesus, "Kayo na ang nagsabing ako'y hari. Ito ang
dahilan kung bakit ako ipinanganak at naparito sa sanlibutan: upang magsalita
tungkol sa katotohanan. "Ano ba ang katotohanan?" tanong ni
Pilato.
Pagkasabi nito, muling lumabas si Pilato at sinabi sa mga Judio,
"Wala akong makitang kasalanan sa taong ito. Ngunit ayon sa inyong
kaugalian, dapat akong magpalaya ng isang bilanggo kung araw ng Paskuwa. Ibig
ba ninyong palayain ko ang Hari ng mga Judio?" "Hindi!" sigaw
nila. "Huwag siya, kundi si Barrabas!" Si Barrabas ay isang
tulisan.
Kaya't ipinakuha ni Pilato si Jesus at ipinahagupit. Ang mga kawal
ay kumuha ng halamang matinik, ginawang korona, at ipinutong kay Jesus. At
sinuutan siya ng balabal na purpura. Isa't isa'y lumalapit sa kanya ang
wika,"Mabuhay ang Hari ng mga Judio!" At siya'y pinagsasampal.
Lumabas uli si Pilato at sinabi sa kanila, "Ihaharap ko siya
sa inyo upang malaman ninyo na wala akong makitang kasalanan niya!" At
inilabas si Jesus na may koronang tinik at balabal na purpura. Sinabi sa kanila
ni Pilato, "Narito ang mga tao!" Pagkakita sa kanya ng mga punong
saserdote at ng mga bantay sila'y sumigaw: "Ipako siya sa krus! Ipako sa
krus! "
Sinabi ni Pilato, "Kunin ninyo siya, at kayo ang magpako sa,
at kayo ang magpako sa kanya. Wala akong makitang kasalanan niya." Sumagot
ang mga Judio, "Ayon sa aming kautusa'y nararapat siyang mamatay, sapagkat
siya'y nagpapanggap na Anak ng Diyos."
Lalong natakot si Pilato nang marinig ang mga pananalitang ito.
Muli siyang pumasok sa palasyo at tinanong si Jesus, "Tagasaan ka
ba?" Subalit hindi tumugon si Jesus. "Ayaw mo bang makipag-usap sa
akin?" ani Pilato. "Hindi mo ba alam na maari kitang palayain o
ipapako sa krus?" At sumagot si Jesus, "Kaya mo lang magagawa iyan ay
sapagkat ipinagkaloob sa iyo ng Diyos ang kapangyarihang iyan, kaya mas mabigat
ang kasalanan ng nagdala sa akin dito."
Nang marinig ito ni Pilato, lalo niyang hinangad na palayain si
Jesus. Ngunit nagsigawan ang mga tao, "Kapag pinalaya mo ang taong iyan,
hindi ka kaibigan ni Cesar! Sinumang nagpapanggap na hari ay kalaban ni
Cesar." Pagkarinig ni Pilato sa pangungusap na ito, inilabas niya si
Jesus, at siya'y lumuklok sa hukuman sa dakong tinatawag na "Ang
Plataporma" Gabata sa wikang Hebreo.
Araw noon ng Paghahanda sa Paskuwa, at mag-iikalabindalawa na ng
tanghali. Sinabi ni Pilato sa mga Judio, "Narito ang inyong hari!"
Sumigaw sila, "Patayin siya! Patayin! Ipako sa krus!" Ipapako ko ba
sa krus ang inyong hari?" tanong ni Pilato. Sumagot ang punong saserdote,
"Wala kaming hari kundi ang Cesar!" Kaya't si Jesus ay ibinigay sa
kanila ni Pilato upang ipako sa krus.
Kinuha nga nila si Jesus. At lumabas siya na pasan ang kanyang
krus, patungo sa lugar na kung tawagi'y "Dako ng Bungo" Golgota sa
wikang Hebreo. Pagdating doon , siya'y ipinako sa krus, kasama ng dalawa pa --
isa sa gawing kanan at isa sa kaliwa. Sumulat si Pilato ng ganitong pangungusap
at ipinalagay sa krus: "Si Jesus na taga-Nazaret, ang Hari ng mga
Judio."
Nasusulat ito sa mga wikang Hebreo, Latin, at Griego at marami sa
mga Judio ang nakabasa nito, sapagkat malapit sa lunsod ang dakong pinagpakuan
kay Jesus. Kaya't sinabi ng mga punong saserdote kay Pilato, "Huwag
ninyong isulat na Hari ng mga Judio, kundi, 'Sinabi ng taong ito, Ako ang Hari
ng mga Judio.' " Sumagot si Pilato, "Ang naisulat ko'y naisulat ko
na."
Nang maipako na ng mga kawal si Jesus, kinuha nila ang kanyang
kasuutan at pinaghati-hatian ng apat. Kinuha rin nila ang kanyang tunika; ito'y
walang tahi at hinabi ng buo mula sa itaas hanggang sa ibaba. Nag-usap-usap ang
mga kawal, "Huwag nating punitin ito; magsapalaran na lamang tayo para
malaman kung kanino ito mauuwi."
Nangyari ito upang matupad ang isinasaad ng Kasulatan,
"Pinaghati-hatian nila ang aking kasuutan; at ang aking damit ay kanilang
pinagsapalaran." Gayon na nga ang ginawa ng mga kawal.
Nakatayo sa tabi ng krus ni Jesus ang kanyang ina at ang kapatid
na babae nitong si Maria, na asawa ni Cleopas. Naroon din si Maria Magdalena.
Nang makita ni Jesus ang kanyang ina, at ang minamahal na alagad sa tabi nito,
kanyang sinabi, "Ginang, narito ang iyong Anak!" At sinabi sa alagad,
"Narito ang iyong Ina!" Mula noon, siya'y pinatira ng alagad na ito
sa kanyang bahay.
Pagkatapos nito, alam ni Jesus na naganap na ang lahat ng bagay;
at bilang katuparan ng Kasulatan ay sinabi niya, "Nauuhaw ako!" May
isang mangkok doon na puno ng maasim na alak. Itinubog nila dito ang isang
espongha, ikinabit sa sanga ng isopo at idiniit sa kanyang bibig. Nang masipsip
ni Jesus ang alak ay kanyang sinabi, "Naganap na!" Iniyukayok niya
ang kanyang ulo at nalagot ang kanyang hininga.
(Dito luluhod ang tanan at sandaling mananahimik.)
Noo'y araw ng Paghahanda, at ayaw ng mga Judio na manatili sa krus
ang mga bangkay sa Araw ng Pamamahinga sapagkat dakila ang Araw ng
Pamamahingang ito. Kaya't hiniling nila kay Pilato na ipabali nito ang mga
binti ng mga ipinako sa krus, at alisin doon ang mga bangkay.
Naparoon nga ang mga kawal at binali ang mga binti ng dalawang
ipinakong kasabay ni Jesus. Ngunit pagdating nila kay Jesus at makitang patay
na siya, hindi na nila binali ang kanyang binti. Subalit inulos ng sibat ng isa
sa mga kawal ang tagiliran ni Jesus, at biglang dumaloy ang dugo at tubig.
Ang nakakita nito ang nagpatotoo -- tunay ang kanyang patotoo at
alam niyang katotohanan ang sinabi niya -- upang kayo'y maniwala. Nangyari ang
mga ito upang matupad ang sinasabi ng Kasulatan. "Walang mababali isa man
sa kanyang mga buto." At sinabi naman ng ibang bahagi ng Kasulatan,
"Pagmamasdan nila ang kanilang inulos."
Pagkatapos nito, si Jose na taga-Arimatea ay nagsadya kay Pilato
upang humingi ng pahintulot na makuha ang bangkay ni Jesus. Si Jose'y isang
alagad ni Jesus, ngunit palihim nga lamang dahil sa takot sa mga Judio. At
pinahintulutan siya ni Pilato; kaya't kinuha ni Jose ang bangkay ni Jesus.
Sumama sa kanya si Nicodemo, may dalang pabango -- mga 100 libra
na pinaghalong mira at aloe. Siya ang nagsadya kay Jesus isang gabi. Kinuha
nila ang bangkay ni Jesus, at nilagyan ng pabango , habang binabalot sa kayong
lino, ayon sa kaugalian ng mga Judio. Sa pinagpakuan kay Jesus ay may
halamanan, at dito'y may isang libingang hindi pa napaglilibingan. Yamang noo'y
araw ng Paghahanda ng mga Judio, at dahil malapit naman ang libingang ito, doon
nila inilibing si Jesus.

No comments:
Post a Comment