Sa pasimula
pa’y naroon na ang Salita. Kasama ng Diyos ang Salita at ang Salita ay Diyos.
Kasama na siya ng Diyos sa pasimula pa. Sa pamamagitan niya nilikha ang lahat
ng bagay, at walang anumang nalikha nang hindi sa pamamagitan niya. Mula sa
kanya ang buhay, at ang buhay ay siyang ilaw ng sangkatauhan. Nagliliwanag sa
kadiliman ang ilaw, at hindi ito kailanman nagapi ng kadiliman.
Sinugo ng
Diyos ang isang tao na nagngangalang Juan. Naparito siya upang magpatotoo
tungkol sa ilaw at manalig sa ilaw ang lahat dahil sa patotoo niya. Hindi siya
ang ilaw kundi naparito siya upang magpatotoo tungkol sa ilaw. Ang tunay na
ilaw na tumatanglaw sa lahat ng tao ay dumarating sa sanlibutan.
Nasa
sanlibutan ang Salita. Nilikha ang sanlibutan sa pamamagitan niya ngunit hindi
siya nakilala ng sanlibutan. Naparito siya sa kanyang bayan ngunit hindi siya
tinanggap ng kanyang mga kababayan. Ngunit ang lahat ng tumanggap at nanalig sa
kanya ay pinagkalooban niya ng karapatang maging anak ng Diyos. Sila nga’y
naging anak ng Diyos, hindi dahil sa isinilang sila ayon sa kalikasan, ni sa pita
ng laman o sa kagagawan ng tao. Ang pagiging anak nila ay buhat sa Diyos.
Naging tao
ang Salita at siya’y nanirahan sa piling natin. Nakita namin ang kanyang
kapangyarihan at kadakilaan, puspos ng pag-ibig at katapatan. Tinanggap niya
mula sa Ama ang kapangyarihan at kadakilaang ito bilang bugtong na Anak.
Nagpatotoo si
Juan tungkol sa kanya. At ganito ang kanyang sigaw, “Siya ang tinutukoy ko nang
aking sabihin, ‘Ang darating na kasunod ko’y higit sa akin, sapagkat siya’y
siya na bago pa ako ipanganak.’”
Dahil sa siya’y puspos ng pag-ibig, tayong lahat ay tumanggap mula sa kanya ng abut-abot na kaloob. Sapagkat ibinibigay ang Kautusan sa pamamagitan ni Moises ngunit ang pag-ibig at ang katotohanan ay dumating sa pamamagitan ni Hesukristo. Kailanma’y walang nakakita sa Diyos, subalit ipinakilala siyang bugtong na Anak – siya’y Diyos – na lubos na minamahal ng Ama.
No comments:
Post a Comment