Thursday, November 28, 2024

Ang Mabuting Balita Nobyembre 28, Huwebes ng Ika-34 Linggo sa Karaniwang Panahon: Lucas 21:20-28


Mabuting Balita: Lucas 21:20-28
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad, “Kapag nakita ninyong kubkob na ng mga hukbo ang Jerusalem, talastasin ninyong malapit na ang pagkawasak nito. Dapat tumakas sa kabundukan ang mga nasa Judea, at umalis ng lungsod ang mga naroon; huwag nang pumasok doon ang mga nasa kabukiran. Sapagkat ito ang ‘Mga Araw ng Pagpaparusa,’ bilang katuparan ng mga nasasaad sa Kasulatan. 

Kawawa ang nagdadalantao at nagpapasuso sa mga araw na iyon! Sapagkat darating ang malaking kapighatian sa lupaing ito, at ang poot ng Diyos sa bansang ito. Mamatay sila sa tabak, at dadalhing bihag sa lahat ng bansa. At ang Jerusalem ay magiging busabos ng mga Hentil hanggang sa matapos ang panahong itinakda sa mga ito.  

“Magkakaroon ng mga tanda sa araw, sa buwan, at sa mga bituin. Sa lupa, ang mga bansa ay masisindak at malilito dahil sa ugong at mga daluyong ng dagat. Ang mga tao’y hihimatayin sa takot dahil sa pag-iisip sa mga sakunang darating sa sanlibutan; sapagkat mayayanig at mawawala sa kani-kanilang landas ang mga planeta at iba pang katulad nito na nasa kalawakan.  

Sa panahong iyon, ang Anak ng Tao’y makikita nilang dumarating na nasa alapaap, may dakilang kapangyarihan at malaking karangalan. Kapag nagsimula nang mangyari ang mga bagay na ito, magalak kayo sapagkat malapit na ang pagliligtas sa inyo.”

No comments: