Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus
sa kanyang mga alagad, “Hindi mawawala kahit kailan ang mga sanhi ng
pagkakasala; ngunit nakapangingilabot ang sasapitin ng taong panggagalingan
nito! Mabuti pa sa kanya ang bitinan ng isang malaking gilingang-bato sa leeg
at itapon sa dagat, kaysa maging sanhi ng pagkakasala ng isa sa maliliit na
ito. Kaya’t mag-ingat kayo!
“Kung magkasala ang kapatid mo, pagsabihan mo, at kung siya’y
magsisi, patawarin mo. Kung makapito siyang magkasala sa iyo sa maghapon, at
makapito ring lumapit sa iyo at magsabing, ‘Nagsisisi ako,’ patawarin
mo.”
Sinabi ng mga apostol sa Panginoon, “Dagdagan po ninyo ang aming pananalig sa Diyos!” Tumugon ang Panginoon, “Kung maging sinlaki man lamang ng butil ng mustasa ang inyong pananalig sa Diyos, masasabi ninyo sa puno ng sikomorong ito, ‘Mabunot ka, at matanim sa dagat!’ at tatalima ito sa inyo.”
No comments:
Post a Comment