Sunday, September 01, 2024

Ang Mabuting Balita: Setyembre 2, Lunes sa Ika-22 na Linggo ng Karaniwang Panahon: Lucas 4:16-30


Mabuting Balita: Lucas 4:16-30
Noong panahong iyon, umuwi si Jesus sa Nazaret na kanyang nilakhan. Gaya ng kanyang kinagawian, pumasok siya sa sinagoga nang Araw ng Pamamahinga. Tumindig siya upang bumasa; at ibinigay sa kanya ang aklat ni Propeta Isaias. Binuksan niya ang aklat sa dakong kinasusulatan ng ganito:

"Sumasaakin ang Espiritu ng Panginoon, Sapagkat hinirang niya ako upang ipangaral sa mga dukha ang Mabuting Balita. Sinugo niya ako upang ipahayag sa mga bihag na sila'y lalaya. At sa mga bulag na sila'y makakikita; Upang bigyang-kaluwagan ang mga sinisiil, At ipahayag ang pagliligtas ng Panginoon."

Binalumbon niya ang Kasulatan, at matapos na isauli sa tagapaglingkod, siya'y naupo. Nakatitig sa kanya ang lahat ng nasa sinagoga. At sinabi niya sa kanila: "Natupad ngayon ang bahaging ito ng Kasulatan samantalang nakikinig kayo." Pinuri siya ng lahat, at namangha sila sa kanyang napakahusay na pananalita. "Hindi ba ito ang anak ni Jose?" tanong nila.

Kaya't sinabi ni Jesus, "Walang pagsalang babanggitin ninyo sa akin ang kawikaang ito: 'Doktor, gamutin mo ang iyong sarili!' Sasabihin din ninyo sa akin, "Gawin mo naman sa iyong sariling bayan ang mga nabalitaan naming ginawa mo sa Capernaum.' " At nagpatuloy ng pagsasalita si Jesus, "Tandaan ninyo: walang propetang kinikilala sa kanyang sariling bayan.

Ngunit sinasabi ko sa inyo: maraming babaing balo sa Israel noong kapanahunan ni Elias nang hindi umulan sa loob ng tatlong tao't kalahati at nagkaroon ng taggutom sa buong lupain. Subalit hindi sa kaninuman sa kanila pinapunta si Elias kundi sa isang babaing balo sa Sarepta, sa lupain ng Sidon.

Sa dinami-dami ng ketongin sa Israel noong kapanahunan ni Eliseo, walang pinagaling isa man sa kanila; si Naaman pang taga-Siria ang pinagaling." Galit na galit ang lahat ng nasa sinagoga nang marinig ito. Nagtindigan sila, at ipinagtabuyan siyang palabas, sa taluktok ng burol na kinatatayuan ng bayan, upang ibulid sa bangin. Ngunit dumaan siya sa kalagitnaan nila at umalis.

No comments: