At lumapit siya sa likuran ni Hesus, sa gawing paanan. Siya’y nanangis at nabasa ng kanyang luha ang mga paa ni Hesus. Pinunasan niya ang mga ito ng kanyang buhok, hinagkan, at pinahiran ng pabango. Nang makita ito ng Pariseong nag-anyaya kay Hesus, nasabi nito sa sarili, “Kung talagang propeta ang taong ito, alam niya kung sino at kung anong uri ng babae ang humihipo sa kanya — isang makasalanan!”
Bilang tugon sa iniisip ni Simon, sinabi ni Hesus, “Simon, may sasabihin ako sa iyo.” Sumagot siya, “Ano po iyon, Guro?” Sinabi ni Hesus, “May dalawang taong nanghiram sa isang nagpapautang; ang isa’y limandaang denaryo at ang isa nama’y limampu. Nang hindi makabayad, pareho silang pinatawad. Ngayon, sino sa kanila ang lalong nagmamahal sa nagpautang?” Sumagot si Simon, “Sa palagay ko po’y ang pinatawad ng malaking halaga.”
“Tama ang sagot mo,” ang tugon ni Hesus. Nilingon niya ang babae, at sinabi kay Simon, “Nakikita mo ba ang babaing ito? Pumasok ako sa iyong bahay at hindi mo man lamang ako binigyan ng tubig para sa aking mga paa; ngunit binasa niya ng luha ang aking mga paa at pinunasan ng kanyang buhok. Hindi mo ako hinagkan, ngunit siya, mula nang pumasok siya ay hindi tumigil sa paghalik sa aking mga paa. Hindi mo pinahiran ng langis ang aking ulo, subalit pinahiran niya ng pabango ang aking mga paa.
Kaya’t sinasabi ko sa iyo, ang malaking pagmamahal na ipinamalas niya ang nagpapatunay na ipinatawad na ang marami niyang kasalanan; ngunit ang pinatawad ng kaunti ay kaunti lang ang pagmamahal na ipinamamalas.” Saka sinabi sa babae, “Ipinatawad na ang iyong mga kasalanan.” At ang kanyang mga kasalo sa pagkain ay nagsimulang magtanong sa sarili,
“Sino
ba itong pati pagpapatawad sa kasalanan ay pinangangahasan?” Ngunit sinabi ni
Hesus sa babae, “Iniligtas ka ng iyong pananalig; yumaon ka na’t ipanatag mo
ang iyong kalooban.”
No comments:
Post a Comment