Sunday, July 21, 2024

Ang Mabuting Balita: Lunes Hulyo 22 Santa Maria Magdalena (Kapistahan): Juan 20:1-2, 11-18


Mabuting Balita: Juan 20:1-2, 11-18
Madilim-dilim pa nang araw ng Linggo, naparoon na si Maria Magdalena sa libingan. Naratnan niyang naalis na ang batong panakip sa pinto ng libingan. Dahil dito, patakbo siyang pumunta kay Simon Pedro at sa alagad na mahal ni Hesus, at sinabi sa kanila, “Kinuha sa libingan ang Panginoon at hindi namin alam kung saan dinala!”  

Si Maria’y nakatayong umiiyak sa labas ng libingan; yumuko siya at tumingin sa loob. May nakita siyang dalawang anghel na nakaupo sa pinaglagyan ng bangkay ni Hesus, ang isa’y sa gawing ulunan at ang isa nama’y sa paanan. Tinanong nila si Maria, “Ale, bakit kayo umiiyak?”  

Sumagot siya, “Kinuha po nila ang aking Panginoon, at hindi ko alam kung saan nila dinala.” Lumingon siya pagkasabi nito, at nakita niya si Hesus na nakatayo roon, ngunit hindi niya nakilalang si Hesus iyon. Tinanong siya ni Hesus, “Bakit ka umiiyak? Sino ang hinahanap mo?”  

Akala ni Maria’y siya ang tagapag-alaga ng halamanan, kaya’t sinabi niya, “Ginoo, kung kayo po ang kumuha sa kanya, ituro ninyo sa akin kung saan ninyo dinala at kukunin ko.” “Maria!” ani Hesus. Humarap siya at kanyang sinabi, “Raboni!” — ibig sabihi’y “Guro.” “Huwag mo akong hawakan, sapagkat hindi pa ako nakapupunta sa Ama,” wika ni Hesus.  

“Sa halip, pumunta ka sa king mga kapatid at sabihin mong aakyat ako sa aking Ama at inyong Ama, sa aking Diyos at inyong Diyos.” Kaya’t si Maria Magdalena’y pumunta sa mga alagad at sinabi, “Nakita ko ang Panginoon!” At tuloy sinabi sa kanila ang bilin ni Hesus.

No comments: