Tuesday, July 30, 2024

Ang Mabuting Balita, Agosto 2 Sabado ng Ika-17 Linggo sa Karaniwang Panahon: Mateo 14:1-12


Mabuting Balita: Mateo 14:1-12
Noong panahong iyon, nang makarating kay Herodes na tetrarka ang balita tungkol kay Jesus, sinabi niya sa kanyang mga lingkod, "Siya'y si Juan Bautista na muling nabuhay, kaya siya nakagagawa ng himala!"  

Si Herodes ang nagpahuli, nagpagapos at nagpabilanggo kay Juan. Ang dahilan ay si Herodias na asawa ng kapatid niyang si Felipe. Laging sinasabi ni Juan kay Herodes, "Hindi matuwid na magsama kayo ng asawa ng inyong kapatid." Ibig ni Herodes na ipapatay si Juan ngunit natatakot siya sa mga Judio, sapagkat kinikilala nilang propeta si Juan Bautista.  

Nang dumating ang kaarawan ni Herodes, sumayaw sa harapan ng mga panauhin ang anak na babae ni Herodias. Labis na nasiyahan si Herodes, kaya't isinumpa niyang ibibigay sa dalaga ang anumang hingin nito. Sa udyok ng kanyang ina ay sinabi ng dalaga, "Ibigay po ninyo sa akin ngayon din, sa isang pinggan, ang ulo ni Juan Bautista. "  

Nalungkot ang hari, ngunit dahil sa kanyang pangakong narinig ng mga panauhin, iniutos niyang ibigay iyon sa dalaga. Kaya't pinapugutan niya si Juan sa bilangguan. Inilagay ang ulo sa isang pinggan at ibinigay sa dalaga; dinala naman ito ng dalaga sa kanyang ina. Dumating ang mga alagad ni Juan, kinuha ang kanyang bangkay at inilibing. Pagkatapos, ibinalita nila ito kay Jesus.

No comments: