Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad:
"Walang makapaglilingkod ng sabay sa dalawang panginoon sapagkat kapopootan niya ang isa at iibigin ang ikalawa, paglilingkuran ng tapat ang isa at hahamakin ang ikalawa. Hindi kayo makapaglilingkod ng sabay sa Diyos at sa kayamanan.
"Kaya't sinasabi ko sa inyo: huwag kayong mabagabag, tungkol sa pagkain at inumin na kailangan ninyo upang mabuhay, o tungkol sa damit na kailangan ng inyong katawan. Hindi ba't ang buhay ay higit na mahalaga kaysa pagkain, at ang katawan kaysa pananamit? Masdan ninyo ang mga ibon: hindi sila naghahasik ni nag-aani o kaya'y nagtitipon sa bangan.
Gayunman, pinakakain sila ng inyong Amang nasa langit. Hindi ba't higit kayong mahalaga kaysa mga ibon? Sino sa inyo ang makapagpapahaba ng kanyang buhay nang kahit isang oras sa pamamagitan ng kanyang pagkabalisa? "At bakit kayo nababagabag tungkol sa pananamit? Isipin ninyo kung paanong sumisibol ang mga bulaklak sa parang; hindi sila nagpapagal ni humahabi man.
Ngunit ito ang sasabihin ko sa inyo: maging si Solomon ay hindi nakapagsuot ng kasingganda ng isa sa mga bulaklak na ito, bagamat napakariringal ang mga damit niya. Kung ang mga damo sa kabukiran, na buhay ngayon at kinabukasa'y iginagatong sa kalan, ay dinaramtan ng Diyos, kayo pa kaya? Kay liit ng pananalig ninyo sa kanya! Kaya't huwag kayong mabalisa sa inyong kakanin, iinumin, o daramtin.
Sapagkat ang mga bagay na ito ang kinahuhumalingan ng mga taong wala pang pananalig sa Diyos . Alam ng inyong Amang nasa langit na kailangan ninyo ang lahat ng ito. Ngunit pagsumakitan ninyo ng higit sa lahat ang pagharian kayo ng Diyos at mamuhay nang ayon sa kanyang kalooban, at ipagkakaloob niya ang lahat ng kailangan ninyo. Kaya, huwag ninyong ikabahala ang para sa araw ng bukas; saka na ninyo harapin kapag ito'y dumating. Sapat na sa bawat araw ang kanyang mga suliranin."
No comments:
Post a Comment