Wednesday, April 03, 2024

Ang Mabuting Balita, Abril 5 Biyernes sa Oktaba ng Pasko ng Pagkabuhay: Juan 21:1-14


Mabuting Balita: Juan 21:1-14
Noong panahong iyon, muling napakita si Jesus sa mga alagad sa tabi ng Lawa ng Tiberias. Ganito ang pangyayari. Magkakasama sina Simon Pedro, Tomas na tinaguriang Kambal, Natanael na taga-Cana, Galilea, ang mga anak ni Zebedeo, at dalawa pang alagad. Sinabi sa kanila ni Simon Pedro, "Mangingisda ako." "Sasama kami," wika nila.  

Umalis sila at lumulan sa bangka, subalit walang nahuli nang gabing iyon. Nang magbubukang-liwayway na, tumayo si Jesus sa pampang , subalit hindi siya nakilala ng mga alagad. Sinabi niya, "Mga anak, mayroon ba kayong huli?" "Wala po," tugon nila. "Ihulog ninyo ang lambat sa gawing kanan ng bangka, at makahuhuli kayo," sabi ni Jesus. Inihulog nga nila ang lambat at hindi nila ito mahila sa dami ng huli.  

Sinabi kay Pedro ng alagad na minamahal ni Jesus, "Ang Panginoon iyon!" Nang marinig ito ni Simon Pedro, siya'y nagsuot ng Damit sapagkat hubad siya at tumalon sa tubig. Ang kasama niyang mga alagad ay sumapit sa pampang, sakay nang munting bangka, hila-hila ang bangka na puno ng isda. Hindi sila gaanong kalayuan sa pampang -- mga siyamnapung metro lamang.  

Pag-ahon nila sa pampang ay nakakita sila roon ng mga baga na may isdang nakaihaw, at ilang tinapay. "Magdala kayo rito ng ilang isdang nahuli ninyo," sabi ni Jesus. Kaya't sumampa sa bangka si Simon Pedro at hinila sa pampang ang lambat na puno ng malalaking isda -- sandaan at limampu't tatlong lahat.  

Hindi napunit ang lambat, kahit ganoon karami ang isda. Halikayo at mag-almusal tayo" sabi ni Jesus. Isa man sa mga alagad ay walang nangahas magtanong kung sino siya, sapagkat alam nila na siya ang Panginoon. Lumapit si Jesus, kinuha ang tinapay at ibinigay sa kanila, gayon din ang isda.  

Ito ang ikatlong pagpapakita ni Jesus sa mga alagad pagkatapos na siya'y muling mabuhay.

No comments: