Tumanaw si Jesus, at nakita niyang dumarating ang napakaraming tao.
Tinanong niya si Felipe, "Saan tayo bibili ng tinapay upang makakain ang
mga taong ito?" Sinabi niya ito upang subukin si Felipe, sapagkat alam ni
Jesus ang kanyang gagawin. Sumagot si Felipe, "Kahit na po halagang
dalawandaang denaryong tinapay ang bilhin ay di sasapat para makakain ng
tigkakaunti ang mga tao."
Sinabi ng isa sa kanyang mga alagad, si Andres na kapatid ni Simon
Pedro, "Mayroon po ditong isang batang lalaki na may dalang limang tinapay
na sebada at dalawang isda. Ngunit gaano na ito sa ganyang karaming tao?"
"Paupuin ninyo sila," wika ni Jesus. Madamo sa lugar na yaon. Umupo
ang lahat -- humigit-kumulang sa limang libo ang mga lalaki.
Kinuha ni Jesus ang tinapay at matapos magpasalamat sa Diyos ay
ipinamahagi sa mga tao; gayon din ang ginawa niya sa isda. Binigyan ang lahat
hangga't gusto nila. at nang makakain na sila, sinabi niya sa mga alagad,
"Tipunin ninyo ang mga lumabis para hindi masayang." Gayon nga ang
ginawa nila, at nakapuno sila ng labindalawang bakol.
Nang
makita ng mga tao ang kababalaghang ginawa ni Jesus, sinabi nila, "Tunay
na ito ang propetang paririto sa sanlibutan!" Nahalata ni Jesus na lalapit
ang mga tao at pilit siyang kukunin upang gawing hari, kaya muli siyang umalis
na mag-isa patungo sa kaburulan.
No comments:
Post a Comment