Naghahapunan si Hesus at ang mga alagad. Naisilid na ng diyablo sa
isip ni Judas, anak ni Simon Iscariote, ang pagkakanulo kay Hesus. Alam ni
Hesus na ibinigay na sa kanya ng Ama ang buong kapangyarihan; alam din niyang
siya’y mula sa Diyos at babalik sa Diyos. Kaya’t nang sila’y naghahapunan, tumindig
si Hesus, naghubad ng kanyang panlabas na kasuotan, at nagbigkis ng
tuwalya.
Pagkatapos, nagbuhos siya ng tubig sa palanggana, at sinimulang
hugasan ang paa ng mga alagad at punasan ng tuwalyang nakabigkis sa kanya.
Paglapit niya kay Simon Pedro, tumutol ito. “Panginoon,” sabi niya, “diyata’t
kayo pa ang maghuhugas ng aking mga paa?” Sumagot si Hesus, “Hindi mo nauunawan
ngayon ang ginagawa ko, ngunit mauunawaan mo rin pagkatapos.” Sinabi sa kanya
ni Pedro. “Hinding-hindi ko po pahuhugasan sa inyo ang aking mga paa.”
“Kung hindi kita huhugasan, wala kang kaugnayan sa akin,” tugon ni
Hesus. Kaya’t sinabi ni Pedro, “Panginoon, hindi lamang po ang mga paa ko,
kundi pati ang aking kamay at ulo!” Ani Hesus, “Maliban sa kanyang mga paa,
hindi na kailangang hugasan pa ang naligo na, sapagkat malinis na ang kanyang
buong katawan. At malinis na kayo, ngunit hindi lahat.” Sapagkat alam ni Hesus
kung sino ang magkakanulo sa kanya, kaya sinabi niyang malinis na sila, ngunit
hindi lahat.
Nang
mahugasan na ni Hesus ang kanilang mga paa, siya’y nagsuot ng damit at nagbalik
sa hapag. “Nauunawaan ba ninyo kung ano ang ginawa ko sa inyo?” tanong niya sa
kanila. “Tinatawag ninyo akong Guro at Panginoon, at tama kayo, sapagkat ako
nga. Kung akong Panginoon ninyo at Guro ay naghugas ng inyong mga paa, dapat
din kayong mahugasan ng paa. Binigyan ko kayo ng halimbawa at ito’y dapat
ninyong tularan.”
No comments:
Post a Comment