Thursday, February 08, 2024

Ang Mabuting Balita Sabado Pebrero 10, Santa Escolastica, dalaga (Paggunita): Marcos 8:1-10


Mabuting Balita: Marcos 8:1-10
Noong mga araw na iyon, muling nagkatipon ang mga tao. Naubos nila ang kanilang pagkain, kaya’t tinawag ni Hesus ang kanyang mga alagad, at sinabi sa kanila, “Nahahabag ako sa mga taong ito, sapagkat tatlong araw na ngayong kasama ko sila at wala na silang makain. Kung pauuwiin ko nang gutom, mahihilo sila sa daan – galing pa naman sa malayo ang ilan sa kanila.” 

“Saan po tayo kukuha ng tinapay dito sa ilang para magkasya sa ganito karaming tao?” tugon ng mga alagad. “Ilan ang tinapay ninyo riyan?” tanong ni Hesus. “Pito po,” sagot nila. Ang mga tao’y pinaupo ni Hesus sa lupa. Kinuha niya ang pitong tinapay, at nagpasalamat sa Diyos. Pinagpira-piraso niya ang mga iyon at ibinigay sa mga alagad upang ipamahagi sa mga tao. 

Gayun nga ang ginawa ng mga alagad. Mayroon din silang ilang maliliit na isda. Muli siyang nagpasalamat sa Diyos, at iniutos niyang ibigay din iyon sa mga tao. Kumain ang lahat at nabusog; at nang tipunin nila ang mga pira-pirasong tinapay na lumabis, nakapuno sila ng pitong bakol na malalaki. At may apat na libo ang kumain. Pinayaon ni Hesus ang mga tao, saka siya sumakay sa bangka, at nagtungo sa lupain ng Dalmanuta.

No comments: