Ang mga Judio, lalo na ang mga Pariseo, ay hindi kumakain hangga't
hindi nakapaghuhugas ng kamay ayon sa mga turong minana nila sa kanilang mga
ninuno. Hindi rin sila kumakain ng anumang galing sa palengke nang hindi muna
ito hinuhugasan. At marami pang ibang minanang turo ang kanilang sinusunod,
tulad ng tanging paraan ng paghuhugas ng mga inuman, ng mga saro, ng mga sisidlang
tanso [at mga higaan].
Kaya't tinanong si Jesus ng mga Pariseo at mga eskriba,
"Bakit hindi sumusunod ang mga alagad mo sa mga turo ng ating mga ninuno?
Kumain sila nang hindi man lamang naghugas ng kamay ayon sa paraang
iniutos!" Sinagot sila ni Jesus, "Tama ang hula ni Isaias tungkol sa
inyo, gaya ng kanyang isinulat: 'Paggalang na handog sa 'kin ng bayan ko'y
paimbabaw lamang, Sapagkat sa bibig at hindi sa puso ito bumubukal. Pagpupuri't
pagsambang ginagawa nila'y walang kabuluhan, Ang utos ng tao ay itinuturong
utos ng Maykapal.'
Niwawalang-kabuluhan nga ninyo ang utos ng Diyos, at ang sinusunod
ninyo'y ang turo ng tao."Sinabi pa ni Jesus, "Kay husay ng paraan
ninyo sa pagpapawalang-bisa sa utos ng Diyos masunod lamng ninyo ang mga turong
minana ninyo! Tulad nito: iniutos ni Moises, 'Igalang mo ang iyong ama't ina';
at, 'Ang magsalita ng masama sa kanyang ama o ina ay dapat
mamatay.'
Ngunit
itinuturo ninyo, 'Kapag sinabi ng isang tao sa kanyang ama o ina; Ang anumang
maitutulong ko sa inyo ay Corban' (alalaong baga'y inihahain ko ito sa Diyos)--
hindi na ninyo siya pinahihintulutang tumulong sa kanyang ama o ina. Sa
ganitong paraa'y niwawalang-kabuluhan ninyo ang salita ng Diyos sa pamamagitan
ng mga turong minana ninyo. at marami pang bagay na tulad nito ang ginagawa
Ninyo.
No comments:
Post a Comment