May isang tao noon sa Jerusalem, ang pangala'y Simeon. Matapat at malapit sa Diyos ang lalaking ito at naghihintay sa katubusan ng Israel. Sumasakanya ang Espiritu Santo na nagpahayag sa kanya na hindi siya mamamatay hangga't hindi niya nakikita ang Mesias na ipinangako ng Panginoon. Sa patnubay ng Espiritu, pumasok siya sa templo. At nang dalhin doon ng kanyang mga magulang) ang sanggol na si Jesus upang gawin ang hinihingi ng Kautusan, siya'y kinalong ni Simeon.
Ito'y nagpuri sa Diyos, na ang wika, "Kunin mo na Panginoon ang iyong abang alipin, Ayon sa iyong pangako, Yamang nakita na ng aking mga mata ang iyong tagapagligtas, Na inihanda mo para sa lahat ng bansa: Liwanag itong tatanglaw sa mga Hentil, At magbibigay-karangalan sa iyong bayang Israel."
Namangha ang ama't ina ng sanggol dahil sa sinabi ni Simeon tungkol sa kanya. Binasbasan sila ni Simeon, at sinabi kay Maria, "Tandaan mo, ang batang ito'y nakatalaga sa ikapapahamak o ikaliligtas ng marami sa Israel, isang tanda mula sa Diyos ngunit hahamakin ng marami kaya't mahahayag ang kanilang iniisip. Dahil diyan, ang puso mo'y para na ring tinarakan ng isang balaraw."
Naroon din sa templo ang isang propetang babae na ang ngala'y Ana, anak ni Fanuel na mula sa lipi ni Aser. Siya'y napakatanda na. Pitong taon lamang silang nagsama ng kanyang asawa, nang siya'y mabalo, at ngayon, walumpu't apat na taon na siya. Lagi siya sa templo at araw gabi'y sumasamba sa Diyos sa pamamagitan ng pag-aayuno at pananalangin.
Lumapit siya nang oras ding iyon at nagpasalamat sa Diyos. Nagsalita rin siya tungkol kay Jesus sa lahat ng naghihintay sa pagpapalaya ng Diyos sa Jerusalem. Nang maisagawa nila ang lahat ng bagay ayon sa Kautusan, bumalik na sila sa kanilang bayan, sa Nazaret, Galilea. Ang bata'y lumaking malakas, marunong at kalugud-lugod sa paningin ng Diyos.
No comments:
Post a Comment