Nang suguin ng mga Judio sa Jerusalem ang ilang saserdote at Levita upang itanong sino siya, sinabi ni Juan ang katotohanan. Sinabi niyang hindi siya ang Mesias. "Kung gayo'y sino ka?" tanong nila. "Ikaw ba si Elias?" "Hindi po." "Ikaw ba ang Propetang hinihintay namin?" Sumagot siya, "Hindi po." "Sino ka kung gayon?" tanong nila uli. "Sabihin mo sa amin para masabi namin sa mga nagsugo sa amin. Ano ang masasabi mo tungkol sa iyong sarili?"
Sumagot si Juan, "Ako, 'Ang tinig ng isang sumisigaw sa ilang: Tuwirin ninyo ang daraanan ng Panginoon!" (Ang Propeta Isaias ang may sabi nito.) Ang mga nagtanong ay sugo ng mga Pariseo. Muli nilang tinanong si Juan, "Bakit ka nagbabautismo, hindi pala naman ikaw ang Mesias, ni si Elias, ni ang Propeta?"
Sumagot siya, "Ako'y nagbabautismo sa tubig, ngunit nasa gitna ninyo ang isang hindi ninyo nakikilala. Siya ang susunod sa akin, Subalit hindi ako karapat-dapat man lang magkalag ng tali ng kanyang panyapak." (Ito'y nangyari sa Betania, sa ibayo ng Jordan na pinagbabautismuhan ni Juan.)
No comments:
Post a Comment