Ang pangkat ni Zacarias ang nanunungkulan noon, at sila'y naglilingkod sa harapan ng Diyos bilang saserdote. Nang sila'y magsapalaran, ayon sa kaugalian ng saserdote, siya ay nahirang na maghandog ng kamanyang. Kaya't pumasok siya sa templo ng Panginoon sa oras ng pagsusunog ng kamanyang, samantalang nagkakatipon sa labas ang mga tao at nananalangin.
Walang anu-ano'y napakita sa kanya ang isang anghel ng Panginoon, nakatayo sa gawing kanan ng damabanang sunugan ng kamanyang. Nagulat si Zacarias at sinidlan ng matinding takot nang makita ang anghel. Ngunit sinabi nito sa kanya, "Huwag kang matakot, Zacarias! Dininig ng Diyos ang panalangin mo. Kayo ni Elisabet ay magkakaanak ng isang lalaki, at Juan ang ipapangalan mo sa kanya.
Ikaw ay matutuwa at magiging maligaya, at maraming magagalak sa kanyang pagsilang sapagkat siya'y magiging dakila sa paningin ng Panginoon. Hindi siya iinom ng alak o anumang inuming nakalalasing. Sa sinapupunan pa lamang ng kanyang ina, mapupuspos na siya ng Espiritu Santo. Marami sa mga anak ng Israel ang panunumbalikin niya sa Panginoon, taglay ang espiritu at kapangyarihan ni Elias, upang pagkasunduin ang mga ama at mga anak, at panumbalikin sa matuwid ang mga suwail.
Sa gayon, ipaghahanda niya ng isang bayan ang Panginoon." Sinabi ni Zacarias sa anghel, "Paano ko po matitiyak na mangyayari ito? Sapagkat ako'y napakatanda na at gayon din ang aking asawa." Sumagot ang anghel, "Ako si Gabriel ang anghel na naglilingkod sa harapan ng Diyos. Sinugo ako upang ihatid ang mabuting balitang sinabi ko sa iyo. At ngayon, mabibingi ka't hindi makapagsasalita hangang sa araw na maganap ang mga bagay na ito, sapagkat hindi ka naniniwala sa mga sinabi ko na matutupad pagdating ng takdang panahon."
Samantala, naghihintay naman kay Zacarias ang mga tao. Nagtaka sila kung bakit nagtagal siya ng gayon sa loob ng templo. Paglabas niya ay hindi na siya makapagsalita, mga senyas na lamang ang ginagamit niya; kaya natanto nila na nakakita siya ng pangitain. At siya'y nanatiling pipi. Nang matapos ang kanyang paglilingkod ay umuwi na siya. Hindi nga nagtagal at naglihi si Elisabet, at hindi ito umalis ng bahay sa loob ng limang buwan. "Ngayo'y nilingap ako ng Panginoon," wika ni Elisabet. "Ginawa niya ito upang alisin ang aking kadustaan sa harapan ng mga tao!"
No comments:
Post a Comment