Ganito ang pagkapanganak kay Jesu-Cristo. Si Maria na kanyang ina at si Jose ay nakatakda nang pakasal. Ngunit bago sila nakasal, Si Maria'y natagpuang nagdadalang-tao. Ito'y sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Isang taong matuwid itong si Jose na kanyang magiging asawa, ngunit ayaw niyang mapahiya si Maria, kaya ipinasiya niyang hiwalayan ito ng lihim.
Samantalang iniisip ni Jose ito, napakita sa kanya sa panaginip ang isang anghel ng Panginoon. Sabi nito sa kanya, "Jose anak ni David, huwag kang matakot na tuluyang pakasalan si Maria, sapagkat siya'y naglihi sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Manganganak siya ng isang lalaki at ito'y panganganlan mong Jesus, sapagkat siya ang magliligtas sa kanyang bayan sa kanilang mga kasalanan."
Nangyari ang lahat ng ito upang matupad ang sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ng propeta:"Maglilihi ang isang dalaga at manganganak ng isang lalaki; at tatawagin itong Emmanuel" ang kahuluga'y "Kasama natin ang Diyos".
Nang magising si Jose, sinunod niya ang anghel ng Panginoon; pinakasalan niya si Maria. Ngunit hindi ginalaw ni Jose si Maria hanggang sa maipanganak nito ang isang sanggol na lalaki na pinanganlan nga niyang Jesus.
No comments:
Post a Comment