Friday, July 21, 2023

Ang Mabuting Balita at Repleksyon para sa Linggo Hulyo 23, Ika – 16 Linggo sa Karaniwang Panahon: Mateo 13:24-43


Mabuting Balita: Mateo 13:24-43
Noong panahong iyon, inilahad ni Jesus ang talinghagang ito sa mga tao. "Ang paghahari ng Diyos ay katulad nito: may isang taong naghasik ng mabuting binhi sa kanyang bukid. Isang gabi, samantalang natutulog ang mga tao, dumating ang kanyang kaaway at naghasik ng masasamang damo sa triguhan. 

Nang tumubo ang trigo at magkauhay, lumitaw rin ang masasamang damo. Kaya't lumapit ang mga alipin sa puno ng sambahayan at sinabi rito, 'Hindi po ba mabuting binhi ang inihasik ninyo sa inyong bukid? Bakit po may damo ngayon?' Sumagot siya, 'Isang kaaway ang may kagagawan nito.' Tinanong siya ng mga utusan, 'Bubunutin po ba namin ang mga iyon?' 

'Huwag!' sagot niya. 'Baka mabunot pati trigo. Hayaan na ninyong lumago kapwa hanggang sa anihan. Pag-aani'y sasabihin ko sa tagapag-ani: Tipunin muna ninyo ang mga damo at inyong pagbigkis-bigkisin upang sunugin, at ang trigo'y inyong tipunin sa aking kamalig.' "

Isa na namang talinghaga ang inilahad ni Jesus sa kanila. "Ang paghahari ng Diyos ay katulad nito: may isang taong nagtanim ng isang butil ng mustasa sa kanyang bukid. Pinakamaliit ito sa lahat ng binhi, ngunit kapag natanim na at lumago ay nagiging pinakamalaki sa lahat ng puno ng gulay. Ito'y nagiging punongkahoy, anupat napamumugaran ng mga ibon ang mga sanga nito."

Nagsalaysay pa siya ng ibang talinghaga, "Ang paghahari ng Diyos ay katulad ng lebadura na inihalo ng isang babae sa tatlong takal na harina, at umalsa ang buong masa." Sinabi ni Jesus sa mga tao ang lahat ng ito sa pamamagitan ng talinghaga at wala siyang sinabi sa kanila nang hindi gumagamit ng talinghaga. Ginawa niya ito upang matupad ang sinabi ng propeta: "Magsasalita ako sa kanila sa pamamagitan ng mga talinghaga, ihahayag ko sa kanila ang mga bagay na nalilihim mula nang likhain ang sanlibutan."

Pagkatapos, iniwan ni Jesus ang mga tao at pumasok sa bahay. Lumapit ang kanyang mga alagad at sinabi sa kanya, "Ipaliwanag po ninyo sa amin ang tungkol sa masasamang damo sa bukid." Ito ang tugon ni Jesus, "Ang Anak ng Tao ang naghahasik ng mabuting binhi. Ang bukid ay ang sanlibutan. Ang mga taong pinaghaharian ng Diyos ang mabuting binhi at ang mga taong pinaghaharian ng diyablo ang masasamang damo. 

Ang kaaway na naghasik ng mga iyon ay walang iba kundi ang mga diyablo. Ang pag-aani ay ang katapusan ng daigdig, at ang mga anghel ang mga tagapag-ani. Kung paanong iniipon ang mga damo at sinusunog, gayon din ang mangyayari sa katapusan ng daigdig. 

Susuguin ng Anak ng Tao ang kanyang mga anghel, at iipunin nila mula sa kanyang pinaghaharian ang lahat ng nagiging sanhi ng pagkakasala at ang lahat ng gumagawa ng masama, at ihahagis sa maningas na pugon. Doo'y mananangis sila at magngangalit ang kanilang ngipin. At magliliwanag na parang araw ang mga matuwid sa kaharian ng kanilang Ama. Ang may pandinig ay makinig!"

 + + + + + + + 

Repleksyon:

Ano po ang ibig sabihin ng mga talinghaga ni Jesus? Ito ay isang maikling kwento na puno ng aral.

Ang unang talinghaga ay tunkol sa isang taong naghasik ng mabuting binhi sa kanyang bukid. Ang ikalawa ay tungkol sa isang taong nagtanim ng butil ng mustasa. Ang ikatlo ay patungkol sa lebadura na inihalo ng isang babae sa tatlong takal na harina, at umalsa ang buong masa.

Ang tatlong talinhagang ito ay nag a-anyaya sa atin na tanugin ang ating sarili ng ganito: Sino ako bilang tagasunod ni Jesus? Ako ba ay naghahasik ng mabuting binhi ng aking pananampalataya? Ang aking bang pananampalataya ay kasing laki na ng butil ng mustasa?

Ako ba ay naging isang lebadura na nag papapalago ng pananampalataya ng mga taong nakakikila sa akin? – Marino J. Dasmarinas 

No comments: