Tuesday, April 11, 2023

Ang Mabuting Balita sa Abril 12, Miyerkules sa Walong Araw na Pagdiriwang ng Pasko ng Muling Pagkabuhay: Lucas 24:13-35


Mabuting Balita: Lucas 24:13-35
Nang araw ding iyon, ang dalawa sa mga alagad ay patungo sa isang nayong tinatawag na Emaus, may labing-isang kilometro ang layo sa Jerusalem. Pinag-uusapan nila ang mga pangyayari. Samantalang nag-uusap sila at nagtatanungan, lumapit si Hesus at nakisabay sa kanila.  

Siya'y nakita nila, ngunit hindi nakilala agad. Tinanong sila ni Hesus, "Ano ba ang pinag-uusapan ninyo?" At tumigil silang nalulumbay. Sinabi ng isa na ang ngala'y Cleopas, "Kayo po lamang yata ang dayuhan sa Jerusalem na hindi nakaaalam sa mga bagay na katatapos pa lamang nangyari roon." "Anong mga bagay?" tanong niya. At sumagot sila, "Tungkol kay Hesus na taga-Nazaret, isang propetang makapangyarihan sa gawa at sa salita, maging sa harapan ng Diyos at ng mga tao.  

Isinakdal siya ng aming mga punong saserdote at mga pinuno upang mahatulang mamatay, at siya'y ipinako sa krus. Siya pa naman ang inaasahan naming magpapalaya sa Israel. Hindi lamang iyan. Ikatlong araw na ngayon mula nang mangyari ito, nabigla kami sa ibinalita ng ilan sa mga babaing kasamahan namin. 

Maagang-maaga raw silang nagpunta sa libingan, at di nila natagpuan ang kanyang bangkay. Nagbalik sila at ang sabi'y nakakita raw sila ng isang pangitain -- mga anghel na nagsabing buhay si Hesus. Pumunta rin sa libingan ang ilan sa mga kasama namin at gayon nga ang natagpuan nila, ngunit hindi nila nakita si Hesus."  

Sinabi sa kanila ni Hesus, "Kay hahangal ninyo! Ano't hindi ninyo mapaniwalaan ang lahat ng sinabi ng mga propeta? Hindi ba't ang Mesias ay kailangang magbata ng lahat ng ito bago niya kamtan ang kanyang marangal na katayuan?" At ipinaliwanag sa kanila ni Hesus ang lahat ng nasasaad sa Kasulatan tungkol sa kanyang sarili, simula sa mga aklat ni Moises hanggang sa sinulat ng mga propeta. 

Malapit na sila sa nayong kanilang patutunguhan, at si Hesus ay waring magpapatuloy pa ng lakad. Ngunit siya'y pinakapigil-pigil nila. "Tumuloy na po kayo rito sa amin," anila, "sapagkat palubog na ang araw at dumidilim na." Kaya't sumama nga siya sa kanila. Nang siya'y kasalo na nila sa hapag, dumampot siya ng tinapay at nagpasalamat sa Diyos, saka pinaghati-hati at ibinigay sa kanila.  

Nabuksan ang kanilang paningin at nakita nila si Hesus, subalit ito'y biglang nawala. At nawika nila, "Kaya pala gayon ang pakiramdam natin habang tayo'y kinakausap sa daan at ipinapaliwanag sa atin ang mga Kasulatan!" 

Noon di'y tumindig sila at nagbalik sa Jerusalem. Naratnan nilang nagkakatipon ang Labing-isa at ang ibang mga kasama nila na nag-uusap-usap, "Muli ngang nabuhay ang Panginoon! Napakita kay Simon!" At isinalaysay naman ng dalawa ang nangyari sa daan, at kung paano siyang nakilala nang paghati-hatiin niya ang tinapay.

No comments: