Monday, February 20, 2023

Ang Mabuting Balita para sa Linggo Pebrero 26, Unang Linggo ng Apatnapung araw na Paghahanda: Mateo 4:1-11


Mabuting Balita: Mateo 4:1-11
Noong panahong iyon: si Hesus ay dinala ng Espiritu sa ilang upang tuksuhin ng diyablo. Doon, apatnapung araw at apatnapung gabi nag-ayuno si Hesus, at siya’y nagutom. Dumating ang manunukso at sinabi sa kaniya, “Kung ikaw ang Anak ng Diyos, gawin mong tinapay ang mga batong ito.” Ngunit sumagot si Hesus, “Nasusulat, ‘Hindi lamang sa tinapay nabubuhay ang tao, kundi sa bawat salitang namumutawi sa bibig ng Diyos.”

Pagkatapos nito’y dinala siya ng diyablo sa taluktok ng templo sa Banal na Lungsod. “Kung ikaw ang Anak ng Diyos,” sabi sa kanya, “magpatihulog ka, sapagkat nasusulat, ‘Ipagbibilin niya sa kanyang mga anghel na ingatan ka,’‘Aalalayan ka nila, upang hindi ka matisod sa bato.’” Sumagot si Hesus, “Nasusulat din naman, ‘Huwag mong subukin ang Panginoon mong Diyos.’”

Pagkatapos, dinala din siya ng diyablo sa isang napakataas na bundok. Mula roo’y ipinatanaw sa kanya ang lahat ng kaharian ng sanlibutan at ang kayamanan ng mga ito. At sinabi ng diyablo, “Ibibigay ko sa iyo ang lahat ng ito, kung magpapatirapa ka at sasamba sa akin.” Sumagot si Hesus, “Lumayas ka, Satanas! Sapagkat nasusulat, ‘Ang iyong Diyos at Panginoon ang sasambahin mo; Siya lamang ang iyong paglilingkuran.’”

At iniwan siya ng diyablo. Dumating ang mga anghel at naglingkod sa kanya. 

No comments: