Friday, February 10, 2023

Ang Mabuting Balita para sa Linggo Pebrero 12, Ikaanim na Linggo sa Karaniwang Panahon: Mateo 5:17-37



Mabuting Balita: Mateo 5:17-37

Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Huwag ninyong akalaing naparito ako upang pawalang-bisa ang Kautusan at ang aral ng mga propeta. Naparito ako, hindi upang pawalang-bisa kundi para ipaliwanag at ganapin ang mga iyon. Tandaan ninyo ito: magwawakas ang langit at ang lupa, ngunit ang kaliit-liitang bahagi ng Kautusan ay di mawawalan ng bisa hangga’t hindi nagaganap ang lahat.

Kaya’t sinumang magpawalang-halaga kahit sa kaliit-liitang bahagi nito, at magturo nang gayon sa mga tao, ay ibibilang na pinakamababa sa kaharian ng Diyos. Ngunit ang gumaganap ng Kautusan at nagtuturo na tuparin iyon ay ibibilang na dakila sa kaharian ng Diyos.

Sinasabi ko sa inyo: kung ang pagsunod ninyo sa kalooban ng Diyos ay tulad lamang ng pagsunod ng mga eskriba at mga Pariseo, hindi kayo makapapasok sa kaharian ng Diyos.

“Narinig ninyo na noong una’y iniutos sa mga tao, ‘Huwag kang papatay; ang sinumang makamatay ay mananagot sa hukuman.’ Ngunit ngayo’y sinasabi ko sa inyo: ang mapoot sa kanyang kapatid ay mananagot sa hukuman; ang humamak sa kanyang kapatid ay mananagot sa Sanedrin, at sinumang magsabi sa kanyang kapatid ‘ulol ka!’ ay mapapasaapoy ng impiyerno.

Kaya’t kung naghahandog ka sa Diyos, at maalaala mo na may sama ng loob sa iyo ang kapatid mo, iwan mo muna ang iyong handog sa harap ng dambana at makipagkasundo ka sa kanya. Saka ka magbalik at maghandog sa Diyos.

“Kung may magsakdal laban sa iyo sa hukuman, makipag-ayos ka sa kanya habang may panahon, bago ka niya iharap sa hukom. At kung hindi’y ibibigay ka niya sa hukom, na magbibigay naman sa iyo sa tanod, at ikaw ay mabibilanggo. Sinasabi ko sa iyo: hindi ka makalalabas doon hangga’t hindi mo nababayaran ang kahuli-hulihang kusing.”

“Narinig ninyo na noong una’y iniutos sa mga tao, ‘Huwag kang makikiapid.’ Ngunit ngayo’y sinasabi ko sa inyo: ang sinumang tumingin nang may mahalay na pagnanasa sa isang babae, sa isip niya’y nakiapid na siya sa babaing iyon. Kung ang mata mo ang siyang nagiging sanhi ng iyong pagkakasala, dukutin mo at itapon!

Sapagkat mabuti pang mawalan ka ng isang bahagi ng katawan kaysa buo ang iyong katawang itapon sa impiyerno. Kung ang iyong kamay ang siyang nagiging sanhi ng iyong pagkakasala, putulin mo at itapon! Mabuti pang mawalan ka ng isang bahagi ng katawan kaysa buo ang iyong katawang itapon sa impiyerno.

“Sinabi rin naman, ‘Kapag pinahiwalay ng lalaki ang kanyang asawa, ito’y dapat niyang bigyan ng kasulatan ng paghihiwalay.’ Ngunit ngayo’y sinasabi ko sa inyo: kapag pinahiwalay ng isang lalaki ang kanyang asawa nang hindi naman ito nangangalunya, at ito’y nag-asawang muli, ang lalaking iyo’y nagkasala – itinulak niya ang kanyang asawa sa pangangalunya. At sinumang mag-asawa sa babaing hiniwalayan ay nangangalunya.”

“Narinig pa ninyo na noong una’y iniutos sa mga tao, ‘Huwag kang sisira sa iyong pinanumpaang pangako bagkus ay tupdin mo ang iyong sinumpaan sa Panginoon.’ Ngunit ngayo’y sinasabi ko sa inyo: huwag na kayong sumumpa kung nangangako kayo. Huwag ninyong sabihing, ‘Saksi ko ang langit,’ sapagkat ito’y trono ng Diyos; o kaya’y ‘Saksi ko ang lupa,’ sapagkat ito’y tuntungan ng kanyang mga paa.

Huwag din ninyong sabihing, ‘Saksi ko ang Jerusalem,’ sapagkat ito’y lungsod ng dakilang Hari. Ni huwag mong sabihing, ‘Mamatay man ako,’ sapagkat ni isang buhok sa iyong ulo’y hindi mo mapapuputi o mapaiitim. Sabihin mo na lang na ‘Oo’ kung oo at ‘Hindi’ kung hindi; sapagkat buhat na sa masama ang anumang sumpang idaragdag dito.”

No comments: