At nakita ng tatlong alagad si Moises at si Elias, na nakikipag-usap kay Hesus. Sinabi ni Pedro kay Hesus, “Guro, mabuti pa’y dumito na tayo. Gagawa po kami ng tatlong kubol: isa sa inyo, isa kay Moises at isa kay Elias.” Hindi nalalaman ni Pedro ang kanyang sinasabi sapagkat masyado ang takot niya at ng kanyang mga kasama.
At nililiman sila ng isang alapaap at mula rito’y may tinig na nagsabi, “Ito ang minamahal kong Anak. Pakinggan ninyo siya!” Pagdaka, tumingin ang mga alagad sa paligid nila at nakitang wala na silang kasama roon kundi si Hesus. Habang bumababa sila sa bundok ay mahigpit na itinagubilin sa kanila ni Hesus: “Huwag ninyong sasabihin kaninuman ang inyong nakita hangga’t hindi muling nabubuhay ang Anak ng Tao.”
Sinunod nila ang tagubiling ito, ngunit sila-sila’y nagtanungan kung ano ang kahulugan ng sinabi niyang muling pagkabuhay. At tinanong nila si Hesus, “Bakit po sinasabi ng mga eskriba na dapat munang pumarito si Elias?” Tumugon siya, “Paririto nga si Elias upang ihanda ang lahat ng bagay.
Kung gayo’y
bakit sinasabi ng Kasulatan na ang Anak ng Tao’y hahamakin at magtitiis ng
maraming hirap? Sinasabi ko sa inyo na pumarito na si Elias, at ginawa sa kanya
ng mga tao ang gusto nila, ayon sa sinasabi ng Kasulatan tungkol sa kanya.”
No comments:
Post a Comment