Noong panahong iyon, si Hesus, kasama ang kanyang mga alagad, ay nagtungo sa mga nayon ng Cesarea, sakop ni Filipo. Samantalang sila’y naglalakbay, tinanong niya ang kanyang mga alagad, “Sino raw ako ayon sa mga tao?” Sumagot sila, “Ang sabi ng ilan ay si Juan Bautista kayo; sabi naman ng iba, si Elias kayo; at may nagsasabi pang isa kayo sa mga propeta.” “Kayo naman – ano ang sabi ninyo? Sino ako?” tanong niya. “Kayo ang Kristo,” tugon ni Pedro. “Huwag ninyong sasabihin kaninuman kung sino ako,” mahigpit na utos niya sa kanila.
Mula noon, ipinaalam na ni Hesus sa kanyang mga alagad na ang Anak ng Tao’y dapat magbata ng maraming hirap. Siya’y itatakwil ng matatanda ng bayan, ng mga punong saserdote at ng mga eskriba at ipapapatay. Ngunit sa ikatlong araw, muli siyang mabubuhay. Maliwanag na sinabi niya ito sa kanila. Kaya’t niyaya siya ni Pedro sa isang tabi at sinimulang pagsabihan. Ngunit humarap si Hesus sa kanyang mga alagad at pinagwikaan si Pedro: “Lumayo ka, Satanas! Ang iniisip mo’y hindi sa Diyos Kundi sa tao.”
No comments:
Post a Comment