Thursday, December 08, 2022

Ang Mabuting Balita para sa Linggo Disyembre 11 Ikatlong Linggo sa Panahon ng Pagdating ng Panginoon : Mateo 11:2-11



Mabuting Balita: Mateo 11:2-11
Noong panahong iyon: Nabalitaan ni Juan Bautista, na noo’y nasa bilangguan, ang mga ginagawa ni Kristo. Kaya’t nagsugo si Juan ng kanyang mga alagad at ipinatanong sa kanya, “Kayo po ba ang ipinangakong paririto, o maghihintay pa kami ng iba?”

Sumagot si Hesus, “Bumalik kayo kay Juan at sabihin sa kanya ang inyong narinig at nakita: nakakikita ang mga bulag, nakalalakad ang mga pilay, gumagaling ang mga ketongin, nakaririnig ang mga bingi, muling nabubuhay ang mga patay, at ipinangangaral sa mga dukha ang Mabuting Balita. Mapalad ang taong hindi nag-aalinlangan sa akin!”

Pag-alis ng mga alagad ni Juan, nagsalita si Hesus sa mga tao tungkol kay Juan: “Bakit kayo lumabas sa ilang? Ano ang ibig ninyong makita? Isa bang tambo na inuugoy ng hangin? Ano nga ang ibig ninyong makita? Isang taong may maringal na kasuutan? Ang mga nagdaramit ng maringal ay nasa palasyo ng mga hari! Ano nga ba ang ibig ninyong makita? Isang propeta? Oo. At sinasabi ko sa inyo, higit pa sa propeta.

Sapagkat si Juan ang tinutukoy ng Kasulatan: ‘Narito ang sugo ko na aking ipinadadalang mauuna sa iyo; ihahanda niya ang iyong daraanan.’ Sinasabi ko sa inyo: sa mga isinilang, wala pang lumilitaw na higit na dakila kay Juan Bautista; ngunit ang pinakaaba sa mga taong pinaghaharian ng Diyos ay dakila kaysa kanya.”

No comments: