Mabuting Balita: Mateo 3:1-12
Hinabing balahibo ng kamelyo ang
damit ni Juan, at balat ang kanyang pamigkis. Ang kanya namang pagkai’y balang
at pulot-pukyutan. At pumunta sa kanya ang mga taga-Jerusalem, taga-Judea, at
mga naninirahan sa magkabilang panig ng Jordan. Ipinahayag nila ang kanilang
mga kasalanan, at sila’y bininyagan ni Juan sa Ilog Jordan.
Ngunit nang makita niyang marami sa
mga Pariseo at mga Saduseo ang lumalapit upang pabinyag, sinabi niya sa kanila,
“Kayong lahi ng mga ulupong! Sino ang nagbabala sa inyo upang tumakas sa
parusang darating? Ipakilala ninyo sa pamamagitan ng inyong pamumuhay na kayo’y
nagsisisi. At huwag ninyong ipangahas na kayo’y anak ni Abraham.
Sinasabi ko sa inyo: Ang Diyos ay
makalilikha ng mga tunay na anak ni Abraham mula sa mga batong ito. Ngayon pa’y
nakaamba na ang palakol sa ugat ng punungkahoy; ang bawat punungkahoy na hindi
mabuti ang bunga ay puputulin at ihahagis sa apoy. Binibinyagan ko kayo sa
tubig bilang tanda ng pagsisisi ninyo’t pagtalikod sa inyong mga kasalanan;
ngunit ang dumarating na kasunod ko ang magbibinyag sa inyo sa Espiritu Santo
at sa apoy.
Siya’y makapangyarihan kaysa akin,
hindi ako karapat-dapat kahit tagadala ng kanyang panyapak. Hawak niya ang
kanyang kalaykay upang alisin ang dayami. Titipunin niya sa kamalig ang trigo,
ngunit ang ipa’y susunugin sa apoy na di mamamatay kailanman.”
No comments:
Post a Comment