Sunday, June 05, 2022

Ang Mabuting Balita para sa Lunes Hunyo 6, Ang Mahal na Birheng Maria Ina ng Sambayanan (Paggunita): Juan 19:25-34


Mabuting Balita: Juan 19:25-34
Noong panahong iyon: Nakatayo sa tabi ng krus ni Hesus ang kanyang ina at ang kapatid na babae nitong si Maria, na asawa ni Cleopas. Naroon din si Maria Magdalena. Nang makita ni Hesus ang kanyang ina, at ang minamahal niyang alagad sa tabi nito, kanyang sinabi, “Ginang, narito ang iyong anak!” At sinabi sa alagad, “Narito ang iyong ina!” Mula noon, siya’y pinatira ng alagad na ito sa kanyang bahay.  

Alam ni Hesus na naganap na ang lahat ng bagay; at bilang katuparan ng Kasulatan ay sinabi niya, “Nauuhaw ako!” May isang mangkok doon na puno ng maasim na alak. Itinuhog nila rito ang isang espongha, ikinabit sa sanga ng isopo at idiniit sa kanyang bibig. Nang masipsip ni Hesus ang alak ay kanyang sinabi, “Naganap na!” Iniyukayok niya ang kanyang ulo at nalagot ang kanyang hininga.  

Noo’y Araw ng Paghahanda, ay ayaw ng mga Judio na manatili sa krus ang mga bangkay sa Araw ng Pamamahinga sapagkat dakila ang araw ng Pamamahingang ito. Kaya’t hiniling nila kay Pilato na ipabali nito ang mga binti ng mga ipinako sa krus, at alisin doon ang mga bangkay.  

Naparoon nga ang mga kawal at binali ang mga binti ng dalawang ipinakong kasabay ni Hesus. Ngunit pagdating nila kay Hesus at makitang patay na siya, hindi na nila binali ang kayang binti. Subalit inulos ng sibat ng isa sa mga kawal ang tagiliran ni Hesus, at biglang dumaloy ang dugo at tubig.

No comments: