Humayo kayo! Sinusugo ko kayong
parang mga kordero sa gitna ng mga asong-gubat. Huwag kayong magdadala ng
lukbutan, supot, o panyapak. Huwag na kayong titigil sa daan upang makipagbati
kaninuman. Pagpasok ninyo sa alinmang bahay, sabihin muna ninyo, 'Maghari nawa
ang kapayapaan sa bahay na ito!' Kung maibigin sa kapayapaan ang nakatira roon,
sasakanya ang kapayapaan; ngunit kung hindi, hindi sila magkakamit nito.
Manatili kayo sa bahay na inyong
tinutuluyan; kanin ninyo at inumin ang anumang idulot sa inyo -- sapagkat ang
manggagawa ay may karapatang tumanggap ng kanyang upa. Huwag kayong
magpapalipat-lipat ng bahay. Kapag tinanggap kayo sa alinmang bayan, kanin
ninyo ang anumang ihain sa inyo; pagalingin ninyo ang mga maysakit doon, at
sabihin sa bayan, 'Nalalapit na ang paghahari ng Diyos sa inyo.'
Ngunit sa alinmang bayang hindi
tumanggap sa inyo, lumabas kayo sa mga lansangan nito at sabihin ninyo, 'Pati
ang alikabok dito na dumikit sa aming mga paa ay ipinapagpag namin bilang
babala sa inyo. Ngunit pakatandaan ninyong malapit na sa inyo ang pagahahari ng
Diyos!' Sinasabi ko sa inyo: sa Araw ng Paghuhukom ay higit na mabigat ang
kaparusahan ng mga tao sa bayang yaon kaysa dinanas ng mga taga-Sodoma!"
Bumalik na tuwang-tuwa ang pitumpu't dalawa, "Panginoon," sabi nila, "kahit po ang mga demonyo ay sumusunod kapag inutusan namin, sa ngalan ninyo." Sumagot si Jesus, "Nakita ko ang pagkahulog ni Satanas mula sa langit -- parang kidlat. Binigyan ko kayo ng kapangyarihang tumapak sa mga ahas at mga alakdan, at yumurak sa kapangyarihan ng kaaway. Walang makapipinsala sa inyo. Gayunman, magalak kayo, hindi dahil sa suko sa inyo ang masasamng espiritu, kundi dahil sa nakatala sa langit ang pangalan ninyo."
No comments:
Post a Comment