Saturday, April 09, 2022

Ang Mabuting Balita para sa Linggo Abril 10, Linggo ng Palaspas sa Pagpapakasakit ng Panginoon: Lucas 22:14 – 23:56


Mabuting Balita: Lucas 22:14 – 23:56 
Nang dumating na ang oras, dumulog si Hesus sa hapag, kasama ang kanyang mga apostol. At sinabi niya sa kanila, “Malaon ko nang inaasam-asam na makasalo kayo sa Hapunang Pampaskuwang ito bago ako magbata. Sinasabi ko sa inyo, hindi na ako muling kakain nito hanggang sa ito’y maganap sa kaharian ng Diyos.” Hinawakan niya ang isang kalis, at matapos magpasalamat sa Diyos ay ibinigay sa kanila. Sinabi niya, “Kunin ninyo ito, at paghati-hatian. Sinasabi ko sa inyo na mula ngayo’y hindi na ako iinom nitong katas ng ubas hangga’t hindi dumarating ang kaharian ng Diyos.” At dumampot siya ng tinapay at, matapos magpasalamat sa Diyos, kanyang pinaghati-hati at ibinigay sa kanila. Sinabi niya, “Ito ang aking katawan na ibinigay para sa inyo. Gawin ninyo ito bilang pag-aalaala sa akin.” Gayon din naman, dinampot niya ang kalis pagkatapos maghapunan, at sinabi, “Ang kalis na ito ang bagong tipan ng aking dugo na mabubuhos dahil sa inyo.”

“Ngunit kasalo ko rito ang magkakanulo sa akin. Papanaw ang Anak ng Tao ayon sa itinakda ng Diyos; ngunit nakapangingilabot ang sasapitin ng taong magkakanulo sa kanya.” At sila’y nagtanung-tanungan kung sino sa kanila ang gagawa ng gayon. Nagtalu-talo ang mga alagad kung sino sa kanila ang kikilanling pinakadakila. At sinabi sa kanila ni Hesus, “Ang mga hari sa mundong ito’y pinapanginoon ng kanilang nasasakupan, at ang mga maykapangyarihan ay napatatawag na mga tagatangkilik nila. Ngunit hindi gayon sa inyo. Sa halip, ang pinakadakila ang dapat lumagay na siyang pinakabata, at ang namumuno’y tagapaglingkod. Sino ba ang higit na dakila, ang nakadulog sa hapag o ang naglilingkod? Hindi ba ang nakadulog sa hapag? Ngunit ako’y kasama-sama ninyo bilang isang naglilingkod. 

“Kayo ang nanatiling kasama ko sa mga pagsubok sa akin. Kung paanong pinaglalaanan ako ng Ama ng kaharian, gayun din naman, pinaglalaanan ko kayo ng dako sa aking kaharian. Kayo’y kakain at iinom na kasalo ko, at luluklok sa mga trono upang mamahala sa labindalawang angkan ng Israel. 

“Simon, Simon! Makinig ka! Hiniling ni Satanas at ipinahintulot naman sa kanya, na kayong lahat ay subukin. Subalit idinalangin ko na huwag lubusang mawala ang iyong pananampalataya. At kapag nagbalik-loob ka na, patatagin mo ang iyong mga kapatid.” Sumagot si Pedro, “Panginoon, handa po akong mabilanggo at mamatay na kasama ninyo!” “Pedro,” ani Hesus, “tandaan mo: bago tumilaok ang manok sa araw na ito ay makaitlo mo akong itatatwa.” 

Pagkatapos, tinanong sila ni Hesus, “Nang suguin ko kayo nang walang dalang lukbutan, supot, o panyapak, kinulang ba kayo ng anuman?” “Hindi po,” tugon nila. Sinabi niya, “Ngunit ngayon, kung kayo’y may lukbutan o supot, dalhin ninyo. Ang walang tabak – ipagbili ang kanyang balabal at bumili ng isa. Sapagkat sinasabi ko sa inyo na dapat matupad sa akin ang sinasabi ng Kasulatan: ‘Ibinilang siya sa mga salarin.’ Sapagkat ang nasusulat tungkol sa akin ay natutupad na!” At sinabi ng mga alagad, “Panginoon, heto po ang dalawang tabak.” “Sapat na iyan!” tugon niya. 

Gaya ng kanyang kinaugalian, umalis si Hesus at nagtungo sa Bundok ng mga Olibo; at sumama ang mga alagad. Pagdating doo’y sinabi niya sa kanila. “Manalangin kayo, nang hindi kayo madaig ng tukso.” Lumayo siya sa kanila nang may isang pukol ng bato, saka lumuhod at nanalangin. “Ama,” wika niya, “kung maaari’y ilayo mo sa akin ang kalis na ito. Gayunma’y huwag ang kalooban ko ang masunod, kundi ang kalooban mo.” Napakita sa kanya ang isang anghel mula sa langit at pinalakas ang loob niya. Tigib ng hapis, siya’y nanalangin nang lalong taimtim; tumulo sa lupa ang kanyang pawis na animo’y malalaking patak ng dugo.

Tumindig siya pagkapanalangin at lumapit sa kanyang mga alagad. Naratnan niyang natutulog ang mga ito dahil sa tindi ng dalamhati. “Bakit kayo natutulog?” tanong niya. “Bumangon kayo at manalangin upang hindi kayo madaig ng tukso.” Nagsasalita pa si Hesus nang dumating ang maraming tao, na pinangungunahan ni Judas, kabilang sa Labindalawa. Nilapitan niya si Hesus upang hagkan. Sinabi nito sa kanya, “Judas, ipagkakanulo mo ba ang Anak ng Tao sa pamamagitan ng isang halik?” Nang makita ng mga alagad na kasama niya kung ano ang mangyayari, sinabi nila, “Panginoon, mananaga na po kami!” At tinaga nga ng isa sa kanila ang alipin ng pinakapunong saserdote at natigpas ang kanang tainga niyon. Ngunit sinabi ni Hesus, “Huwag! Hayaan ninyo sila!” Hinipo niya ang tainga ng alipin at pinagaling.

Pagkatapos, sinabi ni Hesus sa mga punong saserdote at sa mga pinuno ng mga bantay sa templo at sa matatanda ng bayan, na naparoon upang dakpin siya, “Ako ba’y tulisan, at naparito kayong may mga tabak at mga pamalo? Araw-araw, nagtuturo ako sa templo at naroon din kayo; ngunit hindi ninyo ako dinakip. Subalit panahon ninyo ngayon at ang kapangyarihan ng kadiliman ang namamayani.” 

Dinakip nga nila si Hesus at dinala sa bahay ng pinakapunong saserdote. Si Pedro nama’y sumunod sa kanya, ngunit malayo ang agwat. Nang maparikit na ang apoy sa gitna ng patyo, naupo sa paligid ang mga taong naroon; si Pedro nama’y nakiumpok sa kanila. Nakita siya ng isang utusang babae at siya’y pinagmasdang mabuti. “Kasama rin ni Hesus ang taong ito!” sabi niya. Ngunit itinatwa ito ni Pedro. “Aba, hindi!” sagot niya. “Ni hindi ko siya nakikilala!” Pagkaraan ng ilang sandali, napansin siya ng isang lalaki at nagtanong ito, “Isa ka rin sa kanila, ano?” Ngunit sumagot siya, “Nagkakamali kayo, Ginoo!” Pagkalipas ng humigit-kumulang na isang oras ay iginiit naman ng isa, “Kasama nga ni Hesus ang taong ito. Isa rin siyang Galileo.” Ngunit sumagot si Pedro, “Ginoo, hindi ko nalalaman ang sinasabi ninyo!” Nagsasalita pa siya nang tumilaok ang manok. Lumingon ang Panginoon at tinitigan si Pedro. Naalaala nito ang sinabi ng Panginoon, “Bago tumilaok ang manok sa araw na ito ay makaitlo mo akong itatatwa.” Lumabas si Pedro at nanangis nang buong saklap.

Samantala, si Hesus ay nililibak at hinahampas ng mga nagtatanod sa kanya. Siya’y piniringan nila at tinanong, “Sige, hulaan mo nga! Sino ang humampas sa iyo?” At kung anu-ano pang panlalait ang sinabi sa kanya. Kinaumagahan, nagtipon ang matatanda ng bayan, ang mga punong saserdote, at ang mga eskriba – ang Sanedrin – at iniharap si Hesus sa kanilang kapulungan. “Sabihin mo sa amin,” wika nila, “ikaw ba ang Mesiyas?” Sumagot siya, “Sabihin ko man sa inyo, hindi kayo maniniwala, at kung tanungin ko kayo, hindi naman kayo sasagot. Ngunit mula ngayon, ang Anak ng Tao ay uupo sa kanan ng Makapangyarihang Diyos.” “Ibig mong sabihi’y ikaw ang Anak ng Diyos?” tanong ng lahat. “Kayo na rin ang nagsasabing ako nga,” tugon niya. Sinabi nila, “Ano pang patotoo ang kailangan natin? Tayo na ang nakarinig – mula sa sarili niyang bibig!” 

Tumindig ang buong kapulungan at dinala si Hesus kay Pilato. Sinimulan nilang paratangan siya. Anila, “Ang taong ito’y nahuli naming nanunulsol sa aming kababayan na maghimagsik, at nagbabawal ng pagbabayad ng buwis sa Cesar. Pinapaniwala pa niya ang mga tao na siya ang Kristo, isang hari.” At tinanong siya ni Pilato, “Ikaw ba ang Hari ng mga Judio?” “Kayo na ang nagsasabi,” tugon ni Hesus. Sinabi ni Pilato sa mga punong saserdote at sa mga tao, “Wala akong makitang kasalanan sa taong ito.” Ngunit mapilit sila at ang wika, “Sa pamamagitan ng kanyang mga turo’y inuudyukan niyang maghimagsik ang buong Judea. Nagsimula siya sa Galilea at ngayo’y narito na.”

Nang marinig ito ni Pilato, itinanong niya kung taga-Galilea si Hesus. At nang malamang siya’y mula sa nasasakupan ni Herodes, kanyang ipinadala siya sa taong ito na noon nama’y nasa Jerusalem. Tuwang-tuwa ito nang makita si Hesus. Marami na siyang nabalitaan tungkol dito at matagal na niyang ibig makita. Umaasa siyang gagawa ito ng kababalaghan at ibig niyang makita iyon. Kaya’t tinanong niya nang tinanong si Hesus, ngunit hindi ito sumagot kaunti man. Naroon ang mga punong saserdote at ang mga eskriba na walang tigil ng kapaparatang kay Hesus. Hinamak siya at tinuya ni Herodes, pati ng kanyang mga kawal. Sinuutan siya ng maringal na damit at ipinabalik kay Pilato. At nang araw ding iyon, naging magkaibigan sina Herodes at Pilato na dati’y magkagalit. 

Ipinatawag ni Pilato ang mga punong saserdote, ang mga pinuno ng bayan at ang mga tao, at sinabi sa kanila, “Isinakdal ninyo sa akin ang taong ito sa kasalanang panunulsol sa mga tao. Ngayon, siniyasat ko siya sa harapan ninyo, at napatunayan kong walang katotohanan ang mga paratang ninyo sa kanya. Gayon din si Herodes, kaya si Hesus ay ipinabalik niya sa akin. Hindi siya dapat hatulan ng kamatayan – wala siyang kasalanan. Kaya’t ipahahagupit ko lamang siya saka palalayain.” Tuwing Paskuwa, kinakailangang magpalaya si Pilato ng isang bilanggo para sa kanila. 

Subalit sabay-sabay na sumigaw ang madla, “Patayin ang taong iyan! Palayain si Barrabas!” Nabilanggo si Barrabas dahil sa paghihimagsik na nangyari sa lungsod, at dahil sa pagpatay. Minsan pang nagsalita sa kanila si Pilato, sa pagnanais na mapalaya si Hesus; ngunit sumigaw ang mga tao, “Ipako sa krus! Ipako sa krus!” Ikatlong ulit na sinabi sa kanila ni Pilato, “Bakit, anong ginawa niyang masama? Wala akong makitang dahilan upang siya’y ipapatay, ipahahagupit ko na lamang siya at saka palalayain.” Datapwa’t lalo nilang ipinagsisigawan na dapat ipako si Hesus sa krus; at sa wakas ay nanaig ang kanilang sigaw. Kaya’t ipinasiya ni Pilato na pagbigyan ang kanilang kahilingan. Pinalaya niya ang taong nabilanggo dahil sa paghihimagsik at pagpatay, ayon sa hinihingi nila, at ibinigay sa kanila si Hesus upang gawin ang kanilang kagustuhan.

Nang dala na nila si Hesus upang ipako, nasalubong nila ang isang lalaking galing sa bukid. Ito’y si Simon na taga-Cirene. Pinigil nila ito at ipinapasan sa kanya ang krus, kasunod ni Hesus.

Sinusundan si Hesus ng maraming tao, kabilang ang mga babaing nananaghoy at nananambitan dahil sa kanya. Nilingon sila ni Hesus at sinabi sa kanila, “Mga kababaihan ng Jerusalem, huwag ninyo akong tangisan. Ang tangisan ninyo’y ang inyong sarili at ang inyong mga anak. Tandaan ninyo: darating ang mga araw na sasabihin nila, ‘Mapalad ang mga baog, ang mga sinapupunang hindi nagdalantao, at ang mga dibdib na hindi nagpasuso.’ Sa mga araw na iyo’y sasabihin ng mga tao sa mga bundok, ‘Gumuho kayo sa amin!’ at sa mga burol, ‘Tabunan ninyo kami!’ Sapagkat kung ganito ang ginagawa sa kahoy na sariwa, ano naman kaya ang gagawin sa tuyo?”

May dinala pa silang dalawang salarin upang pataying kasama ni Hesus. Nang dumating sila sa dakong tinatawag na Bungo, ipinako nila sa krus si Hesus. Ipinako rin ang dalawang salarin, isa sa gawing kanan at isa sa gawing kaliwa. Sinabi ni Hesus, “Ama, patawarin mo sila, sapagkat hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa.” At nagsapalaran sila upang malaman kung alin sa kanyang kasuotan ang mapupunta sa isa’t isa. Ang mga tao’y nakatayo roon at nanonood; nililibak naman siya ng mga pinuno ng bayan. Anila, “Iniligtas niya ang iba; iligtas naman niya ngayon ang kanyang sarili, kung siya nga ang Mesiyas, ang hinirang ng Diyos!” Nilibak din siya ng mga kawal, nilapitan at inalok ng maasim na alak. Sinabi nila, “Kung ikaw ang Hari ng mga Judio, iligtas mo ang iyong sarili.” At nakasulat sa ulunan niya sa wikang Griego, Latin at Hebreo, “Ito ang Hari ng mga Judio.” 

Tinuya siya ng isa sa mga salaring nakabitin, at ang sabi, “Hindi ba ikaw ang Mesiyas? Iligtas mo ang iyong sarili, pati na kami!” Ngunit pinagsabihan siya ng kanyang kasama, “Hindi ka ba natatakot sa Diyos? Ikaw ma’y pinarurusahang tulad niya! Matuwid lamang na tayo’y parusahan nang ganito dahil sa ating mga ginawa; ngunit ang taong ito’y walang ginawang masama.” At sinabi niya, “Hesus, alalahanin mo ako kapag naghahari ka na.” Sumagot si Hesus, “Sinasabi ko sa iyo: ngayon di’y isasama kita sa Paraiso.”

Nang mag-iikalabindalawa ng tanghali, nagdilim sa buong lupain hanggang sa ikatlo ng hapon. Nawalan ng liwanag ang araw; at ang tabing ng templo’y napunit sa gitna. Sumigaw nang malakas si Hesus, “Ama, sa kamay mo’y ipinagtatagubilin ko ang aking espiritu!” At pagkasabi nito, nalagot ang kanyang hininga. 

Dito luluhod ang tanan at sandaling mananahimik.

Nang makita ng kapitan ang nangyari, siya’y nagpuri sa Diyos. “Tunay ngang matuwid ang taong ito!” sabi niya. Ang nangyaring ito’y nakita ng lahat ng taong nagkakatipon at nagmamasid; at umuwi silang dinadagukan ang kanilang dibdib. Nakatayo naman sa di-kalayuan ang mga kaibigan ni Hesus, pati ang mga babaing sumunod sa kanya mula sa Galilea, at nakita rin nila ang mga bagay na ito. 

May isang lalaki na ang ngala’y Jose, tubo sa Arimatea, isang bayan ng mga Judio. Mabuti at matuwid ang taong ito at kabilang sa mga naghihintay sa paghahari ng Diyos. Bagamat kagawad siya ng Sanedrin, hindi siya sang-ayon sa kanilang ginawa kay Hesus. Lumapit siya kay Pilato at hiningi ang bangkay ni Hesus. Nang maibaba na ang bangkay, binalot niya ito ng kayong lino at inilagay sa isang libingang inuka sa bato – hindi pa iyon napaglilibingan. Araw noon ng Paghahanda, at magsisimula na ang Araw ng Pamamahinga. 

Sumunod kay Jose ang mga babaing sumama kay Hesus mula sa Galilea, at nakita nila ang pinaglibingan, pati ang pagkakalagay doon ng bangkay ni Hesus. Pagkatapos, umuwi sila at naghanda ng mga pabango at mira.

No comments: