2 Magkasamang naroon sina Simon Pedro, Tomas na tinaguriang Kambal, Natanael na taga-Cana ng Galilea, ang mga anak ni Zebedeo, at dalawa pa sa mga alagad niya. 3 Sinabi sa kanila ni Simon Pedro: “Aalis ako para mangisda.” Sinabi nila sa kanya: “Sasama kami sa iyo.” Lumabas sila at sumakay sa bangka nang gabing iyo’y wala silang nahuli.
4 Nang madaling-araw na, nakatayo si Jesus sa dalampasigan pero hindi nakilala ng mga alagad na si Jesus iyon. 5 Tinatawag sila ni Jesus: “Mga bata, wala ba kayong isda?” Sumagot sila sa kanya: “Wala!” 6 Kaya sinabi niya sa kanila: “Ihagis n’yo ang lambat sa bandang kanan ng bangka at makakatagpo kayo.” Kaya inihagis nga nila at hindi na nila makayang hilahin iyon dahil sa dami ng isda.
7 Kaya sinabi kay Pedro ng alagad na iyon na mahal ni Jesus: “Ang Panginoon siya!” Nang marinig ni Simon Pedro na ang Panginoon iyon, ibinigkis niya ang [kanyang] damit dahil hubad siya, at saka tumalon sa dagat. 8 Dumating namang sakay ng maliit na bangka ang iba pang mga alagad pagkat hindi sila kalayuan mula sa pampang kundi mga sandaang metro lamang. Hila-hila nila ang lambat ng mga isda.
9 At pagkalunsad sa lupa, nakita nilang may nagbabagang uling doon, na pinagiihawan ng isda, at may tinapay. 10 Sinabi sa kanila ni Jesus: “Magdala kayo mula sa mga isdang nahuli n’yo ngayon.” 11 Kaya sumakay si Simon Pedro at hinila sa pampang ang lambat na puno ng sandaa’t limampu’t tatlong malalaking isda. At kahit na napakarami’y hindi napunit ang lambat.
12 Sinabi
sa kanila ni Jesus: “Halikayo’t mag-almusal!” Walang makapangahas sa mga
alagad na mag-usisa sa kanya: “Sino ba kayo?” dahil alam nilang ang Panginoon
iyon. 13 Lumapit si Jesus at kumuha ng tinapay at ipinamahagi sa kanila.
Gayundin sa isda. 14 Ito ngayon ang ikatlong pagbubunyag ni Jesus sa mga
alagad matapos siyang ibangon mula sa mga patay.
No comments:
Post a Comment