6 At nang sabihin ni Jesus sa kanilang “Ako siya!” napaurong sila at nabuwal sa lupa. 7 Kaya muli niya silang tinanong: “Sino’ng hinahanap ninyo?” Sinabi naman nila: “Si Jesus na taga-Nazaret.” 8 At sumagot si Jesus: “Sinabi ko sa inyong ako siya. Kaya kung ako ang hinahanap ninyo, pabayaan n’yong makaalis ang mga ito.” 9 Ganito kailangang maganap ang salitang sinabi niya: “Hindi ko iwinala isa man sa mga ibinigay mo sa akin.” 10 May tabak si Simon Pedro, binunot niya ito at tinaga ang utusan ng Punong-pari at tinagpas ang kanang tenga nito. Malko ang pangalan ng utusan. 11 Kaya sinabi ni Jesus kay Pedro: “Ibalik mo ang tabak sa sukbitan nito. Hindi ko ba iinumin ang kalis na ibinigay sa akin ng Ama?”
12 Kaya dinakip si Jesus ng tropa, ng kapitan at ng mga bantay ng mga Judio, at iginapos siya. 13 At dinala muna nila siya kay Annas na biyenan ni Caifas na siya namang Punong-pari nang taong iyon. 14 Ngayon, si Caifas ang nagpayo sa mga Judio na mas makabubuting isang tao ang mamatay alang-alang sa sambayanan. 15 Sumusunod naman kay Jesus si Simon Pedro at ang isa pang alagad. Dahil kilala ng Punong-pari ang alagad na iyon, nakapasok siyang kasabay ni Jesus sa patyo ng Punong-pari. 16 Nakatayo naman sa labas si Simon Pedro, sa may pintuan. Kaya lumabas ang isa pang alagad na kilala ng Punong-pari at kinausap ang babaeng bantay sa pinto at pinasok sa loob si Pedro.
17 Kaya sinabi kay Pedro ng dalagitang bantay sa pintuan: “Di ba’t isa ka rin sa mga alagad ng taong ito?” Sumagot siya “Hindi ako!” 18 Nangatayo naman ang mga utusan at mga bantay, nagsiga sila at nagpapainit dahil maginaw. Kasama nilang nakatayo rin si Pedro at nagpapainit.
19 Siniyasat si Jesus ng Punong-pari tungkol sa kanyang mga alagad at tungkol sa kanyang turo. 20 Sumagot sa kanya si Jesus: “Lantaran akong nangusap sa mundo. Lagi akong nagtuturo sa sinagoga’t sa Templo na pinagtitipunan ng lahat ng Judio. Wala akong ipinangusap nang palihim. 21 Ba’t ako ang tinatanong n’yo? Ang mga nakarinig sa ipinangusap ko sa kanila ang tanungin n’yo. Siguradong alam nila ang mga sinabi ko.”
22 Sa pagsagot niya nang ganito, sinampal si Jesus ng isa sa mga bantay na nakatayo roon at sinabi: “Ganyan ka ba sumagot sa Punong-pari? 23 Sinagot siya ni Jesus: “Kung nangusap ako ng masama. Patunayan mong masama; kung mabuti naman, bakit mo ako pinagbuhatan ng kamay?” 24 At nakagapos siyang ipinadala ni Annas kay Caifas na Punong-pari. 25 Ngayon, nakatayo naman si Simon Pedro at nagpapainit. Kaya sinabi nila sa kanya: “Di ba’t isa ka rin sa kanyang mga alagad?” Itinatuwa niya iyon at sinabi: “Hindi ako.” 26 Sinabi naman ng isa sa mga utusan ng Punong-pari, na kamag-anak ng tinagpasan ni Pedro ng tenga: “Di ba’t nakita kitang kasama niya sa bukid? 27 Ngunit muli itong itinatuwa ni Pedro. At biglang tumilaok ang tandang.
• 28 Mula kay Caifas, dinala si Jesus sa palasyo ng gobernador. Umaga na noon at hindi sila pumasok sa palasyo para makakain ng Hapunang Pampaskuwa, kung hindi’y marurumihan sila ng lugar na iyon. 29 Kaya nilabas sila ni Pilato at tinanong: “Anong sakdal ang dala n’yo laban sa taong ito?” 30 Sumagot sila: “Kung hindi gumagawa ng masama ang taong ito, hindi sana namin siya ipinaubaya sa iyo.” 31 Kaya sinabi sa kanila ni Pilato: “Kunin n’yo siya, at kayo ang humukom sa kanya ayon sa inyong batas.” sinabi naman sa kanya ng mga Judio: “Hindi ipinahihintulot sa amin na humatol ng kamatayan.” 32 Sa gayon magaganap ang salitang sinabi ni Jesus tungkol sa kamatayang ikamamatay niya.
33 Kaya muling pumasok si Pilato sa palasyo, tinawag si Jesus at sinabi sa kanya: “Ikaw ba ang hari ng mga Judio?” 34 Sumagot si Jesus: “Mula ba sa ’yo ang salitang ito o may nagsabi sa ’yo tungkol sa akin?” 35 Sumagot si Pilato: “Ako ba’y Judio? Ipinaubaya ka sa akin ng mga kalahi mo at ng mga punong-hari. Ano ba’ng ginawa mo?” 36 Sumagot si Jesus: “Hindi sa mundong ito galing ang pagkahari ko. Kung sa mundong ito galing ang pagkahari ko, makikibaka sana ang mga tauhan ko upang hindi ako maipaubaya sa mga Judio. Ngunit hindi nga dito galing ang pagkahari ko.”
37 Kaya sinabi sa kanya ni Pilato: “Eh di hari ka nga?” sumagot si Jesus: “Sinabi mong hari nga ako. Para dito ako isinilang at dahil dito kaya ako dumating sa mundo: upang magpatunay sa katotohanan. Nakikinig sa tinig ko ang bawat makatotohanan.” 38 Sinabi sa kanya ni Pilato: “Ano ang katotohanan?” Pagkasabi nito, lumabas siyang muli sa mga Judio at sinabi sa kanila: “Wala akong matagpuang krimen sa kanya. 39 May kaugalian kayo na pinalalaya ko sa inyo ang isang tao sa araw ng Paskuwa. Kaya gusto n’yo bang palayain ko sa inyo ang Hari ng mga Judio?” 40 At muli silang nagsigawan: “Hindi siya kundi si Barabbas!” Si Barabbas ay tulisan.
19 1 Kaya ipinakuha noon ni Pilato si Jesus at ipinahagupit. 2 Pagkapulupot naman ng mga sundalo ng isang koronang tinik, ipinutong ito sa kanyang ulo at binalabalan siya ng kapang pulang-panghari, 3 at naglapitan sa kanya sa pagsasabing “Mabuhay ang Hari ng mga Judio.” At pinagsasampal nila siya. 4 Nang muling lumabas si Pilato, sinabi niya sa mga Judio: “Narito’t inilabas ko siya sa inyo upang malaman n’yong wala akong matagpuang krimen sa kanya.” 5 Kaya lumabas si Jesus, suot ang tinikang korona at ang kapang pulang-panghari. Sinabi sa kanila ni Pilato: “Hayan ang Tao!”
6 Kaya nang makita siya ng mga punong-pari at mga bantay, nagsigawan sila: “Ipako sa krus! Ipako sa krus!” sinabi sa kanila ni Pilato: “Kunin n’yo siya at kayo ang magpako sa krus dahil wala akong matagpuang krimen sa kanya.” 7 Sumagot sa kanya ang mga Judio: “May Batas kami at ayon sa Batas ay dapat siyang mamatay sapagkat ginawa niyang Anak ng Diyos ang kanyang sarili.” 8 Nang marinig ni Pilato ang salitang ito’y lalo siyang natakot. 9 Pumasok siyang muli sa palasyo at tinanong si Jesus: “Tagasaan ka ba?” Wala namang isinagot si Jesus sa kanya. 10 Kaya sinabi sa kanya ni Pilato: “Hindi ka ba makikipag-usap sa akin? Hindi mo ba alam na may kapangyarihan akong palayain ka at may kapangyarihan ding ipapako ka sa krus?”
11 Sumagot si Jesus: “Wala kang anumang kapangyarihan sa akin kung hindi ito ibinigay sa iyo mula sa itaas. Kaya mas mabigat ang kasalanan ng nagpaubaya sa akin sa iyo.” 12 Mula noo’y hinangad ni Pilato na palayain siya. Nagsisisigaw naman ang mga Judio: “Kung palayain mo siya, hindi ka kaibigan ng Cesar. Nagsasalita laban sa Cesar ang sinumang gumagawang hari sa kanyang sarili!” 13 Nang marinig ni Pilato ang mga salitang ito, ipinadala niya sa labas ni Jesus at pinaupo sa luklukan, sa lugar na tinatawag na Lithostrotos, na sa Hebreo’y Gabbatha.
14 Paghahanda noon ng Paskuwa, magtatanghaling-tapat ang oras. sinabi niya sa mga Judio: “Hayan ang inyong Hari!” 15 Kaya nagsigawan ang mga iyon: “Alisin, alisin, ipako siya sa krus!” Sinabi sa kanila ni Pilato: “Ipapako ko ba sa krus ang inyong Hari?” Sumagot ang mga punong-pari: “Wala kaming hari liban sa Cesar.” 16 Kaya noo’y ipinaubaya siya ni Pilato sa kanila upang ipako sa krus.
Kinuha nila si Jesus. 17 Siya mismo ang nagpasan ng krus at lumabas tungo sa lugar ng kung tawagi’y Pook ng Bungo, na sa Hebreo’y Golgotha. 18 Doon nila siya ipinako sa krus, at kasama niya ang dalawang iba pa sa magkabila, nasa gitna naman si Jesus. 19 Ipinasulat din ni Pilato ang karatula at ipinalagay sa krus. Nasusulat: Jesus na taga-Nazaret, ang Hari ng mga Judio. 20 Marami sa mga Judio ang nakabasa sa karatulang ito dahil malapit sa lunsod ang lugar na pinagpakuan sa krus kay Jesus, at nasusulat iyon sa Hebreo, Latin at Griyego. 21 Kaya sinabi kay Pilato ng mga punong-pari ng mga Judio: “Huwag mong isulat ‘ang Hari ng mga Judio,’ kundi ‘Ito ang nagsabing “Hari ako ng mga Judio.’” 22 Sumagot si Pilato: “Ako ang sumulat at nakasulat na.”
23 Nang maipako ng mga sundalo si Jesus sa krus, kinuha nila ang kanyang mga damit, at pinaghati sa apat – tig-isang bahagi sa bawat sundalo – at ang tunika. Ngayon, walang tahi ang tunika, at hinabi nang buo mula taas. 24 Kaya pinag-usapan nila: “Huwag natin itong punitin kundi pagsapalaranan natin kung mapapakanino.” Gayon kailangang maganap ang kasulatan: Pinagbaha-bahagi nila sa kani-kanila ang aking mga damit, at pinagpalabunutan ang aking suot. Ito nga ang ginawa ng mga sundalo.
25 Nangakatayo naman sa tabi ng krus ni Jesus ang kanyang ina at ang kapatid na babae ng kanyang ina, si Maria ni Cleofas at si Maria Magdalena. 26 Kaya pagkakita ni Jesus sa ina at sa alagad na mahal niya na nakatayo sa tabi, sinabi niya sa Ina: “Babae, hayan ang anak mo!” 27 pagkatapos ay sinabi naman niya sa alagad: “Hayan ang iyong ina.” At mula sa oras na iyon, tinanggap siya ng alagad sa kanyang tahanan.
28 Pagkaraan nito, alam ni Jesus na ngayo’y natupad na ang lahat. Ngunit kailangang maganap ang Kasulatan, at sinabi niya: “Nauuhaw ako!” 29 May sisidlan doon na puno ng maasim na alak. Kaya ikinabit nila sa isopo ang isang esponghang ibinabad sa alak at idiniit sa kanyang bibig. 30 Pagkasipsip ni Jesus ng alak, sinabi niya: “Natupad na!” At pagkayuko ng ulo’y ibinigay ang espiritu. 31 Dahil paghahanda noon, ayaw ng mga Judio na mamalagi sa krus ang mga katawan sa Araw ng Pahinga sapagkat dakilang araw ang Araw na iyon ng Pahinga. At ipinakiusap nila kay Pilato na baliin ang mga binti ng mga nasa krus at saka alisin.
32 Kaya pumaroon ang mga sundalo. Binali nila ang mga binti ng una at ng isa pang kasama niyang ipinako sa krus. 33 Ngunit pagsapit nila kay Jesus, nakita nilang patay na siya kaya hindi nila binali ang kanyang mga binti. 34 Gayunma’y sinibat ng isa sa mga sundalo ang kanyang tagiliran, at biglang may umagos na dugo at tubig. 35 Ang nakakita ang nagpapatunay, at totoo ang kanyang patunay. At Siya ang nakaaalam na totoo ang sinasabi niya para maniwala kayo. 36 Gayon kailangang maganap ang Kasulatan: Walang babaliin sa kanyang mga buto. 37 At sinasabi ng isa pang Kasulatan: Pagmamasdan nila ang kanilang sinibat.
38 Pagkatapos
ay nakiusap kay Pilato si Joseng taga-Arimatea – alagad nga siya ni Jesus pero
palihim dahil sa takot sa mga Judio – upang maalis niya ang katawan ni Jesus.
At pinahintulutan siya ni Pilato. Kaya pumaroon siya at inalis ang katawan
niya. 39 Pumaroon din si Nicodemo, ang pumaroon kay Jesus nang gabi noong una,
may dala siyang pinaghalong mira at aloe, na mga sandaan libra. 40 Kaya kinuha
nila ang katawan ni Jesus at binalot iyon sa telang linen kasama ang mga
pabango, gaya ng kaugalian ng mga Judio sa paglilibing. 41Ngayon, may hardin sa
lugar na pinagpakuan sa kanya at sa hardin nama’y may libingang bago na wala
pang nailalagay roon. 42 Kaya dahil Paghahanda ng mga Judio at dahil malapit
ang libingan – doon nila inilagay si Jesus.
No comments:
Post a Comment