Monday, March 14, 2022

Ang Mabuting Balita para sa Marso 18 Biyernes sa Ika-2 Linggo ng Apatnapung Araw na Paghahanda: Mateo 21:33-43, 45-46


Mabuting Balita: Mateo 21:33-43, 45-46
Sinabi ni Jesus sa mga punong pari at matatanda ng mga Judio 33 Makinig kayo sa isa pang halim­ba­wa: May isang may-ari ng bahay na nag­tanim ng ubasan; binakuran ang paligid nito, humukay para sa pisaan ng ubas, at nagtayo ng toreng bantayan. Pina­upahan niya ang ubasan sa mga magsa­saka at naglakbay sa ma­layo. 

34 Nang malapit na ang panahon ng anihan, pina­punta ng may-ari ang kanyang mga katu­long sa mga mag­sasaka para kubrahin ang kanyang bahagi sa ani. 35 Ngunit si­nung­gaban ng mga magsasaka ang kanyang mga katulong, binugbog ang isa, pinatay ang iba at binato ang ilan.  36 Nagpadala uli ang may-ari ng ma­rami pang katulong pero ganoon din ang ginawa ng mga magsasaka sa kanila. 

37 Sa bandang huli, ipinadala na rin niya ang kanyang anak sa pag-aaka­lang ‘Igagalang nila ang aking anak.’ 38 Ngunit nang makita ng mga magsa­saka ang anak, inisip nilang ‘Ito ang taga­pag­mana. Patayin natin siya at mapapasaatin ang kanyang mana.’ 39 Kaya sinunggaban nila siya, at pina­layas sa ubasan at pinatay.  

40 Ngayon, pagdating ng may-ari ng ubasan, ano ang gagawin niya sa mga magsasaka?” 41 Sinabi nila sa kan­ya: “Hindi niya kaaawaan ang masasamang taong iyon; pupuksain niya ang mga iyon at pauupahan ang ubasan sa ibang magsasakang magbibigay ng kanyang kaparte sa anihan.”   

42 At sumagot si Jesus: “Hindi ba ninyo nabasa sa Kasu­latan? ‘Naging panulu­kang bato ang tinanggihan ng mga taga­pagtayo. Gawa ito ng Pangi­noon; at ka­hanga-hanga ang ating nakita.’ 43 Kaya sinasabi ko sa inyo: aagawin sa inyo ang kaharian ng Diyos at ibibigay sa isang bayang makapag­papalago nito.   

45 Nang marinig ng mga punong-pari at mga Pariseo ang mga talin­hagang ito, naunawaan nila na sila ang pinatutungkulan ni Jesus. 46 Huhulihin na sana nila siya ngunit natakot sila sa mga tao na kumikilala sa kanya bilang propeta. 

No comments: