• 20 Lumapit noon kay Jesus ang ina nina Jaime at Juan kasama ng dalawa niyang anak, at lumuhod sa harap niya para makiusap. 21 Tinanong siya ni Jesus: “Ano ang ibig mo?” At sumagot siya: “Narito ang dalawa kong anak. Iutos mong maupo ang isa sa iyong kanan at ang isa naman sa iyong kaliwa sa iyong Kaharian.”
22 Sinabi ni Jesus sa magkapatid: “Hindi ninyo nalalaman ang inyong hinihingi. Maiinom ba ninyo ang kalis na iinumin ko?” Sumagot sila: “Kaya namin.” 23 Sumagot si Jesus: “Totoong iinom din kayo sa aking kalis, ngunit wala sa akin ang pagpapaupo sa aking kanan o kaliwa. Para sa mga hinirang ng Ama ang mga lugar na iyon.”
24 Nang
marinig ito ng sampu, nagalit sila sa magkapatid. 25 Kaya tinawag sila ni
Jesus at sinabi: “Alam ninyo na sinusupil ng mga naghahari ang kanilang mga
bansa at inaapi ng mga nasa kapangyarihan. 26 Hindi naman ganito sa inyo: ang
may gustong maging dakila, siya ang maging lingkod ninyo; 27 ang may gustong
mauna sa inyo, siya ang maging alipin ninyo. 28 Gayundin naman, dumating ang
Anak ng Tao hindi para paglingkuran kundi para maglingkod at ibigay ang
kanyang buhay bilang pantubos sa marami.”
No comments:
Post a Comment