Saturday, September 4, 2021

Ang Mabuting Balita at Repleksyon para sa Linggo September 5 Ika-23 na Linggo sa Karaniwang Panahon: Marcos 7:31-37




Mabuting Balita: Marcos 7:31-37
31 Umalis si Jesus sa lupain ng Tiro at dumaan sa Sidon papunta sa lawa ng Galilea. Pagdating niya sa lupain ng Deca­polis, 32 may mga nagdala sa kanya roon ng isang bingi na halos di makapag­salita. At hiniling nila kay Jesus na ipatong dito ang kamay. 

33 Matapos siyang ihiwalay ni Jesus sa mga tao, inilagay niya ang kanyang daliri sa tainga ng tao at dumura at saka hinipo ang kanyang dila. 34 At tumi­ngala siya sa langit, nagbuntung-­hininga at sinabi: “Ephphata,” na ang ibig sa­bihi’y “Buk­san”. 35 Nabuksan ang mga tainga ng tao at biglang nakalag ang dila niyang naka­buhol kaya naka­pag­salita siya nang tuwid. 

36 Tinagubilinan sila ni Jesus na huwag sabihin ito kaninuman ngunit habang pinagbabawalan sila, lalo naman silang nagpapahayag. 37 Labis na namangha ang mga tao at sinabi nila: “Pinaiigi niya ang lahat: nakaririnig ang bingi at naka­pag­sasalita ang pipi.”

 

Repleksyon:

May isang kuwento tungkol sa anak na nag sabi sa kanyang ama na hindi niya nararamdaman ang pag kilos ni Jesus sa buhay nya. Kaya sabi ng kanyang ama isipin mo rin kung paano ka namumuhay. Palagi kang nasa labas kasama ng iyong mga kaibigan at pag nasa bahay ka naman ay palagi kang nasa harap ng computer. At kung hindi naman ay abala ka sa iyong smart phone. Pag palagi kang ganyan ay talagang hindi mo mararamdaman ang pagkilos ni Jesus sa iyong buhay. 

Paano po ba tayo magkakaroon ng malapit at personal na ugnayan kay Jesus? Ito po ay mangyayari pag may katahimikan ang ating buhay at kapaligiran. Dahil sa katahimikan ng ating buhay ay palaging nandiyan si Jesus. Napakahirap po na maramdaman si Jesus sa ating buhay pag maingay at maraming tao ang nakapaligid sa atin. Sa katahimikan lamang ng ating buhay maramdaman natin ang nakakagaling na presensya ni Jesus. At sa katahimikan din lang ng ating buhay natin maririnig ang boses ni Jesus.   

Nararamdaman mo ba ang pag kilos ni Jesus sa iyong buhay? Kung hindi pa ay subukan mo ang mamuhay ng may katahimikan at subukan mo na bigyan ng oras si Jesus. Kaysa sa ibigay mo ang oras mo sa maingay na mundong ito. Hindi po ito nangangahulugan na mamumuhay ka sa ilang na lugar na mag isa.   

Ito ay nangangahulugan po lamang na babawasan mo na ang ingay ng iyong buhay. At babawasan mo narin ang iyong ugnayan sa mga kaligayahan na ibinibigay sayo ng mundo. Pero ikaw ay makikipag ugnay parin sa mundo hindi na para ilubid mo ang iyong sarili dito. Kundi hanapin na ang mga taong makamundo para ilapit mo sila kay Jesus.  

Sa atin pong mabuting balita ang taong bingi at hindi makapagsalita ay ginamot ni Jesus  hindi sa gitna ng ingay ng mga tao. Kundi siya ay dinala ni Jesus sa tahimik na lugar na malayo sa ingay ng tao. At doon sa katahimikan ng kapaligiran siya ay ginamot ni Jesus. 

Palagi kabang naglalaan ng oras ng katahimikan para kay Jesus? – Marino J. Dasmarinas 

No comments: