39 Nang makita ito ng Pariseong kumumbida sa kanya, naisip nito: “Kung propeta ang taong ito, malalaman niya kung sino ang babaeng ito at anong uri ng tao ang humihipo sa kanya – isa ngang makasalanan!” 40 Ngunit nagsalita sa kanya si Jesus: “Simon, may sasabihin ako sa iyo.” Sumagot ito: “Guro, magsalita ka.” 41 At sinabi niya: “May dalawang may utang sa isang taong nagpapautang. Limandaang salaping pilak ang utang ng isa at limampu naman ang sa isa pa. 42 Ngunit wala silang maibayad kaya kapwa niya sila pinatawad. Ngayon, sino sa kanila ang magmamahal sa kanya nang higit?”
43 Sumagot si Simon: “Sa palagay ko’y ang pinatawad niya ng mas malaki.” At sinabi sa kanya ni Jesus: “Tama ang hatol mo.” 44 At paglingon niya sa babae, sinabi niya kay Simon: “Nakikita mo ba ang babaeng ito? Pumasok ako sa iyong bahay at hindi mo ako binigyan ng tubig para sa aking mga paa ngunit binasa niya ng kanyang luha ang aking mga paa at pinunasan ito ng kanyang buhok. 45 Hindi mo ako hinagkan ngunit mula nang pumasok siya’y wala nang tigil ang kahahalik niya sa aking mga paa. 46 Hindi mo pinahiran ng langis ang aking ulo ngunit binuhusan niya ng pabango ang aking mga paa. 47 Kaya sinasabi ko sa iyo, pinatatawad na ang marami niyang kasalanan dahil nagmahal siya nang malaki. Ngunit nagmamahal lamang nang kaunti ang pinatatawad nang kaunti.”
48 At
sinabi naman ni Jesus sa babae: “Pinatatawad ang iyong mga kasalanan.”
49 At nagsimulang mag-isip ang mga nasa hapag: “At nangangahas ang taong
ito na magpatawad ng mga kasalanan!” 50 Ngunit sinabi ni Jesus sa babae:
“Iniligtas ka ng iyong pananampalataya; humayo ka sa kapayapaan.”
No comments:
Post a Comment