Saturday, August 28, 2021

Ang Mabuting Balita at Repleksyon para sa Linggo Agosto 29 Ika-22 na Linggo sa Karaniwang Panahon: Marcos 7:1-8, 14-15, 21-23


Mabuting Balita: 
Marcos 7:1-8, 14-15, 21-23
Noong panahong iyon 1 Nagkatipon sa paligid ni Jesus ang mga Pariseo at ilan sa mga guro ng Batas na galing sa Jeru­salem. 2 Napansin nila na kumakain ang ilan sa mga alagad niya nang may maruming ka­may, na hindi naghu­hugas ayon sa sere­monya. 3 Sinusunod nga ng mga Pariseo pati na ng mga Judio ang tra­disyon ng kanilang mga ninuno at hindi sila kumakain nang hindi muna nag­huhugas ng mga kamay. 4 At hindi rin sila kuma­kain ng anumang galing sa palengke nang di muna ito nililinis, at marami pa’ng dapat nilang tuparin, ha­lim­bawa’y ang pag­li­li­nis ng mga inu­man, mga kopa at ping­gang tanso.  

5 Kaya tinanong siya ng mga Pariseo at mga guro ng Batas: “Bakit hindi isi­nasabuhay ng iyong mga alagad ang tra­disyon ng mga ninuno? Hindi nga sila naghuhugas ng kamay bago ku­main.”

6 At sinabi sa kanila ni Jesus: “Tama ang propesiya ni Isaias tungkol sa in­yong mga mapagkunwari. Nasusulat na “Pinararanga­lan ako ng mga ito sa kanilang labi, at ma­layo naman sa akin ang ka­nilang mga puso. 7 Walang silbi ang kani­lang pag­samba sa akin at ka­utusan lamang ng tao ang kanilang itinuturo.” 8 Pinabayaan nga ninyo ang utos ng Diyos para itatag ang tradisyon ng mga tao.”  

 14 kaya tinawag ni Jesus ang mga tao at sinabi sa kanila: “Pakinggan ako at unawain sana ninyong lahat. 15 Hindi ang pumapasok sa tao mula sa labas ang nakapagpaparumi sa kanya kundi ang lumalabas sa tao ang nakapagpaparumi sa kanya.  

21 Sa puso nga ng tao nagmumula ang masa­samang hangarin – kahalayan, pagna­nakaw, pag­patay sa kapwa, 22 pakiki­apid, kasa­kiman, kasamaan, pandaraya, ka­las­waan, pagkainggit, paninira, kapala­luan, kabuktutan. 23 Ang masasamang bagay na ito ang nagpaparumi sa tao.  

Repleksyon:

May isang kuwento tungkol sa isang mahigpit at arroganteng lider na palaging nag sasabi sa kanyang mga taong nasasakupan na sundin lahat ng kanyang pinag-uutos. Kaya dahil sa takot nila lahat ng pag-uutos ng lider ay kanilang sinusunod.  Pero habang lumilipas ang mga taon ay nakita nila ang kanyang hindi mabuting pag-uugali. Tulad ng pagbibigay ng mga utos na siya mismo ay hindi naman sinusunod. Kaya nag desisyon silang labanan siya hangang sa siya ay matalo nila.  

Karamihan sa mga pariseo noong panahon ni Jesus ay ganon din ang mga pag-uugali. Mahilig silang mag utos at gumawa ng mga batas na sila mismo ay hindi naman sinusunod.  

Sa atin pong mabuting balita ay napansin ng mga pariseo na kumakain ang ilan sa mga alagad ni Jesus na hindi nag huhugas ng kamay.  Kaya tinanong ng mga Pariseo si Jesus kung bakit ang mga alagad nya ay hindi nag huhugas ng kamay bago kumain. Pero kilala sila ni Jesus na sila ay mahigpit lamang sa paguutos na sundin ang mga kautusan ng tradisyon pero kulang na kulang naman sa pagsasabuhay nito.    

Ang problema sa pagiging mahigpit ay ito ay nag dudulot ng pagkakahatihati at pag kakaroon ng hindi pagkakaunawaan.  At alam na alam ito ni Jesus kaya kadalasan ay binabalewala nya ang mga kautusan ng tradisyon para sa kapakanan ng tao. Mas mahalaga kay Jesus ang ikabubuti ng tao kaysa sa pagsunod sa kautusan ng tradisyon. Mas importante kay Jesus ang malinis na kalooban kaysa ang paimbabaw na pagsunod sa mga tradisyon.  

Ang pagiging mahigpit ay palaging nag bubunga ng hindi pagkakaintindihan, pagkakahatihati at pagkakagalit. Pero ang awa at hindi masyadong paghihigpit para sa ikabubuti ng ating kapwa ay nag bubunga ng pag-ibig, pagkakaunawaan at pagkakaisa. Ang gusto ni Jesus at palagi tayong may pag-ibig, pang-unawa at malasakit sa ating kapwa.  

Dahil sa pamamagitan lamang ng mga gawaing may pag-ibig,  pang-unawa at malasakit tayo nagiging epektibong daluyan ng mga pagtuturo ng ating panginoon. – Marino J. Dasmarinas  

No comments: