25 Kaya sinasabi ko sa inyo: huwag mag-alala sa kakanin at iinumin para sa inyong buhay, o sa idadamit para sa inyong katawan. Di ba’t mas mahalaga ang buhay kaysa pagkain, at ang katawan kaysa damit? 26 Tingnan ninyo ang mga ibon sa langit: hindi sila naghahasik ni nag-aani, ni nag-iipon sa mga bodega, gayunma’y pinakakain sila ng inyong Amang nasa Langit. Di ba’t mas mahalaga kayo kaysa mga ibon?
27 Sino sa inyo ang makapagdadagdag sa kanyang taas sa pagkabahala niya? 28 At bakit kayo mababahala tungkol sa pananamit? Tingnan ninyo ang mga bulaklak sa bukid, sa pagtubo ng mga ito. Hindi sila nagtatrabaho o humahabi. 29 Ngunit sinasabi ko sa inyo na kahit na si Solomon sa kanyang kayamanan ay hindi nakapagbihis gaya ng isa sa kanila. 30 Kung ganito ang damit na ibinibigay ng Diyos sa mga damo – mga damong nasa bukid ngayon at susunugin bukas sa kalan, higit pa ang gagawin niya para sa inyo, mga taong maliit ang paniniwala!
31 Huwag na kayong
mag-alala at magsabi: Ano ang ating kakanin? Ano ang ating iinumin? O, ano ang
ating isusuot? 32 Ang mga pagano ang nababahala sa mga bagay na ito;
ngunit alam ng inyong Amang nasa Langit na kailangan ninyo ang mga ito.
33 Kaya hanapin muna ninyo ang kaharian at katarungan ng Diyos, at
ibibigay rin sa inyo ang lahat ng ito. 34 At huwag alalahanin ang bukas
sapagkat bahala ang bukas na mag-alala sa kanyang sarili. Sapat na sa bawat
araw ang sariling hirap nito.
No comments:
Post a Comment