3 Pinagbubuksan siya ng bantay-pinto, at nakikinig ang mga tupa sa kanyang tinig. At tinatawag niya sa pangalan ang sarili niyang mga tupa at inaakay palabas. 4 Kapag napalabas na niya ang tanang kanya, sa harap nila siya naglalakad at sa kanya sumusunod ang mga tupa, pagkat kilala nila ang kanyang tinig.
5 Hinding-hindi sila susunod sa dayuhan kundi lalayuan nila ito sapagkat hindi nila kilala ang tinig ng mga dayuhan.” 6 Ito ang talinhagang sinabi ni Jesus sa kanila. Ngunit hindi nila naintindihan ang gusto niyang sabihin sa kanila. 7 Kaya sinabi uli ni Jesus: “Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo: Ako siyang pintuan ng mga tupa. 8 Magnanakaw at tulisan ang lahat ng nauna sa akin.
Ngunit hindi sila pinakinggan ng mga tupa. 9 Ako siyang pintuan; kung may pumapasok sa pamamagitan ko, maliligtas siya, at papasok at lalabas, at makakatagpo ng pastulan. 10 Hindi dumarating ang magnanakaw kundi para lamang magnakaw, pumaslang at magpahamak. Dumating naman ako upang magkaroon sila ng buhay at lubos na magkaroon nito.
No comments:
Post a Comment